by Rowena Agilada
AMINADO si Janno Gibbs na kasalanan din niya kung bakit nabansagan siyang “The late Janno Gibbs.” Parati kasi siyang late sa taping ng show niya, mapa-live o taped ‘yun. “Hindi naman parating ako ang cause of delay (laughs),” ani Janno nang nakausap namin sa presscon ng “Paraiso Ko’y Ikaw.” Hirap daw kasi siyang gumising nang maaga dahil may insomia siya. Hirap siyang matulog sa gabi.
Noon daw ‘yun. Pero ngayong tumatanda na siya, nagbago na siya. Sinisikap niyang huwag ma-late sa taping. Siguro raw, one to two hours na lang siyang late. Late pa rin ‘yun. Ani Janno, hindi naman siya napipikon kapag sinasabihan siyang “The late Janno Gibbs.” “Okey lang,” aniyang nakangiti pa.
Ayon pa kay Janno, naa-appreciate na niya ngayon ang kanyang trabaho. When he was younger, hindi niya sineseryoso ang ginagawa niya. “Parang laro-laro lang. Bata, eh! Pa-easy-easy lang ako noon,” saad ni Janno. By the way, he plays Badong in PKI. Isa siyang mangingisda na makakakita at kukupkop kay Tupe (Kristoffer Martin) noong napadpad ito sa isang isla nang aksidenteng lumubog ang bangkang sinasakyan nito kasama si Josephine (Kim Rodriguez) at nagkahiwalay sila.
Ayaw matulad sa kanya
Answered prayer ni Irene Celebre na magkatrabaho sila ng anak niyang si Gabby Eigenmann (father is Mark Gil) sa isang project. Magkasama sila sa “Paraiso Ko’y Ikaw” kung saan mag-ina ang ginagampanan nila. Ani Irene, nami-miss niya si Gabby dahil bihira silang magkita.
Sa Pasig nakatira si Irene, sa Quezon City si Gabby. Aniya, bihira talaga silang magkitang mag-ina. Text-text lang sila sa isa’t isa . “May sarili na akong pamilya. Bihira kaming makadalaw kay mommy. Once a month. Hindi pa regular ‘yun. Busy kasi ako sa work. ‘Yung mga anak ko naman, sa school,” wika ni Gabby.
Dalawa ang anak niya sa wife niyang si Apple, 12 and 9 years old. May dalawang anak ito sa previous relationship (18 and 16 y/o) na itinuturing ni Gabby na parang mga tunay niyang anak.
Ayon kay Gabby, ayaw niyang matulad ang mga anak niya sa kanya na hiwalay ang mga magulang. He was 5 years old noong naghiwalay ang daddy at mommy niya. Nasaksihan niya ang pagpapalit-palit ng karelasyon ng mga ito. May half-siblings siya sa kanyang daddy at mommy. Fifteen years tumira si Gabby sa kanyang mommy at noong nag-16 siya, tumira naman siya sa kanyang daddy.
Ani Gabby, hindi siya nagtanim ng galit sa kanyang parents sa naging sitwasyon niya bilang anak. Inamin ni Gabby, nag-drugs siya noong kabataan niya. “Pero hindi pagrerebelde ‘yun. Sinubukan ko lang for curiousity. Gusto ko lang ma-experience. Hindi ako dumating sa point na nalulong ako sa droga,” lahad ni Gabby.
Asong kanal
Kakaiba ang episode na mapapanood ngayong Sabado sa “Magpakailanman.” Kuwento ito tungkol sa isang asong kanal na si Persia. Walang nagmamahal sa kanya at nakatira siya sa kanal. Nang bahain ito, naghanap siya ng ibang matitirahan hanggang nakita siya ng isang veterinarian. Kinupkop si Persia, inalagaan at tinuruang magmahal.
Takot siya sa tao. Hindi malapitan. Pero isinalba niya ang isang pamilya mula sa matinding kapahamakan. Tampok sina Andrea Torres, Gladys Reyes, Sharmaine Arnaiz, Raymond Bagatsing, Miggs Cuaderno at Zandra Summer. Tutok lang sa “Magpakailanman” pagkatapos ng “Vampire ang Daddy Ko” sa GMA.