by Rowena Agilada
SIMULA ngayong Sabado (Feb. 8), magkakaroon ng month-long anniversary celebration ang “Walang Tulugan with the Master Showman.” In line ito sa 18th anniversary ng late night or early morning show ni German “Kuya Germs” Moreno.
Kahit lampas hatinggabi na o madaling araw na ito umeere sa GMA7, hindi ito tinutulugan ng kanyang mga tagasubaybay, lalo na ’yung may mga insomnia. Paborito rin itong pinapanood sa GMA Pinoy TV ng mga kababayan natin abroad. Isa ang “Walang Tulugan with the Master Showman” sa Top 5 shows na gustong pinapanood sa United States.
Ayon kay Kuya Germs, maraming inihandang malalaking sorpresa ang WTMS at abangan daw ang mga celebrity guests na inaasahan niyang dadalo at makikiisa sa 18th anniversary celebration ng kanyang show. Co-host niya ang entertainment columnist na si Aster Amoyo.
Kabog ni Kuya Germs ang ibang shows dahil kahit ano’ng time slot ilagay ang kanyang show, talagang sinusubaybayan. Sobrang grateful siya kay Atty. Felipe Gozon (chairman at CEO ng GMA Network Center) sa tiwala nito sa kanya na sinabihan siyang hinding-hindi aalisin ang WTMS.
Kailan naman kaya ibabalik sa ere ang “That’s Entertainment”? Sa naturang youth-oriented program, maraming pinasikat si Kuya Germs. Hinubog niya ang mga ito sa hosting, acting, singing at dancing, gaya ng ginagawa niya sa mga aspiring talents na tampok sa WTMS. Doon nagsimula si Jake Vargas na isa na ngayon sa mga kilalang Kapuso young stars.
Star builder din
Hindi lang master showman, kundi star builder din si Kuya Germs. Bilang isang host, hindi siya dumedepende sa script or teleprompter sa kanyang spiels. Aniya, kung ano’ng nasa isip at puso niya ang kanyang sinasabi. Payo nga niya sa mga kabataang hinuhubog niyang mag-host sa WTMS, huwag magre-rely sa script.
Wala siyang favoritism sa mga tinutulungan niya, kundi disiplina ang pinapairal niya. Kahit may talent, kung pasaway naman at hindi seryoso sa trabaho, wala na siyang magagawa, ani Kuya Germs.
Malakas din ang pulso niya kung star material o may potensiyal ang isang talent. Patunay ang mga napasikat niyang produkto ng “That’s Entertainment” tulad nina Lea Salonga, Billy Crawford, Sheryl Cruz, Manilyn Reynes, Janno Gibbs, Lotlot de Leon, Jean Garcia na hanggang ngayon ay aktibo pa rin sa showbiz. Ang dami pang produkto ng “That’s Entertainment” na kuminang ang mga career dahil sa tulong ng nag-iisang Kuya Germs sa showbiz. Aniya, mahaba pang buhay ang hiling niya para mas marami pa siyang matulungan.
Respeto lang
Nakausap namin si Jake Vargas sa presscon para sa anniversary celebration ng “Walang Tulugan with the Master Showman” at hiningan namin siya ng reaction sa diumano’y pambabastos ni Xian Lim sa babaeng look-alike ni Kim Chiu na umapir sa Chinese New Year episode ng “Banana Nite.” Para bang diring-diri si Xian at sinabing si Bea Binene ang kamukha nito at hindi si Kim Chiu.
Hindi man sabihin, halatang nasaktan si Jake for his girlfriend. Aniya, bilang isang lalaki, dapat daw ay nirerespeto ni Xian ang mga babae. Dapat daw ay nag-iisip ito nang mabuti at hindi raw dapat nagko-comment na makaka-offend o makakasakit ng damdamin.
Ano’ng gagawin niya sakaling magkita sila ni Xian? “Ang laking tao niya (laughs). Ang liit-liit ko. Ewan ko. Ayokong gawing malaking isyu ang ginawa niya. Ayaw na ring magsalita ni Bea,” pahayag ni Jake.
Nabanggit pa ng Kapuso young actor na dalawang beses na silang nag-break at nagkabalikan ni Bea. Siya (Jake) raw ang nakikipag-break dahil sobrang selosa si Bea. Pero dahil labs na labs nila ang isa’t isa, hindi nila matiis na pang-matagalan or for good na kapag nagbi-break sila. Parehas silang gumagawa ng paraan para magkabalikan. Walang pataasan ng pride.