by Rowena Agilada
LEADING man din pala ni Louise de los Reyes si Mike Tan sa “Kambal Sirena.” Magiging love interest niya si Alona, ang sirenang kakambal ni Perlas na taga-lupa. Wala kasi ang picture ni Mike sa billboard sa kanto ng Timog Avenue at EDSA at sina Louise at Aljur Abrenica lang ang nakalagay.
Mike plays Jun na anak ng isang mangingisda. Bata pa siya’y gusto na niyang makakita ng sirena.Noong nagbinata na siya, natagpuan niya si Alona at umibig siya rito. Magkakuntsaba sila sa pagtatago ng tunay na katauhan ni Alona.
Kung pinapili siya ng role, ano ang mas gusto niya, isang sireno o taga-lupa? “Sireno,” ani Mike. “Never pa akong nakaganap ng gano’ng role. Pero okey lang na taga-lupa ang ibinigay na karakter sa akin. First time kong katrabaho si Louise na matagal ko nang gustong makasama sa isang project. Excited ako. “
Ano naman ang masasabi niya sa pag-amin ni Mark Herras na may anak na siya? “Sobrang hanga ako sa kanya. Kung mangyayari ’yun sa akin, hindi ko rin itatago.”
May non-showbiz girlfriend si Mike at 8 years na ang relasyon nila. Childhood friends sila. Anang Kapuso actor, wala pa silang balak magpakasal. “Mag-iipon muna,” ani Mike.
First time
First time ni Kim Chiu na gumanap ng anak-mayaman role sa “Ikaw Lamang” at aniya, iba raw pala ang feeling. Mixed emotions siya, ayon pa sa tinaguriang Prinsesa ng Teleserye. Si Angel Aquino ang nanay ni Kim. Mga de-kalibreng veteran actors ang mga kasama ni Kim sa IL at aniya, noong mga unang araw ng taping nila’y parati siyang kinakabahan kapag dumarating siya sa set.
“Ibang pressure dahil ang gagaling nila. Kinakabahan, natutuwa at excited ako. Si Coco (Martin), sobrang galing niya,” saad ni Kim. Sino ba naman kasi ang hindi kakabahan kung ang mga katrabaho mo’y sina Cherie Gil, Cherry Pie Picache, Ronaldo Valdez, Ronnie Lazaro at Tirso Cruz III na pawang mga batikan sa larangan ng pag-arte. Kasama rin sa cast sina Julia Montes, Jake Cuenca, Meryl Soriano, Lester Llansang, John Estrada, Daria Ramirez at Spanky Manikan, gayun din ang child stars na sina Zaijian Jaranilla, Louise Abuel, Alyanna Angeles at Xyriel Manabat.
May celebrity advance screening ang “Ikaw Lamang” bukas sa Cinema 7 sa Trinoma Mall at 6 p.m. Pinakabagong obra ito ng Dreamscape Entertainment Televison at mula sa direksiyon nina Malu Sevilla at Avel Sunpongco. Mapapanood ang “Ikaw Lamang” simula sa Lunes, March 10 sa Primetime Bida ng ABS-CBN.
Daring role
Sasabak si Lauren Young sa isang mapangahas na role bilang isang cybersex worker sa “Magpakailanman” na mapapanood mamaya pagkatapos ng “Vampire ang Daddy Ko” sa GMA7. Ang episode ay pinamagatang “Bgy. Cybersex: The Liezl Espinosa Story.” Isang dalagang maagang nabuntis si Liez at no choice siya kundi pasukin ang mundo ng cybersex.
Alamin kung paano at bakit siya napasok sa mundong ito. Tampok pa rin sina Glydel Mercado, Phytos Ramirez, Rez Cortez, Maureen Larrazabal, Leandro Baldemor, Ynez Veneracion at Teejay Marquez. Sa direksiyon ni Neil del Rosario.