by Rowena Agilada
PAREHO nang college degree holders ngayon sina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Walong taon ang binuno ni Dingdong bago siya naka-graduate sa kursong Business Administration (major in Marketing) sa West Negros University. Si Marian naman ay Psychology graduate sa La Salle Benilde sa Cavite. Naging pre-school teacher siya bago siya nag-artista.
Role model talaga si Dingdong dahil sa kabila ng kanyang kaabalahan sa kanyang showbiz career, sinikap niyang makatapos sa pag-aaral. Gano’ng kahalaga sa Kapuso Primetime King ang edukasyon na isa sa kanyang mga adbokasiya. Sa pamamagitan ng kanyang Yes! Pinoy Foundation, naglilibot si Dingdong sa mga eskuwelahan nationwide at namamahagi ng school supplies. Nagpapatayo rin sila ng classrooms.
Samantala, magiging busy na muli si Dingdong sa bago niyang teleserye sa GMA7, “Ang Dalawang Mrs. Real” with Maricel Soriano and Lovi Poe. Magsisimula (o nagsimula na?) na rin siyang mag-shoot ng pelikulang “Kabot: Aswang Chronicles 2” with Isabelle Daza.
Baka mabantilawan
Ibinahagi ni Dennis Trillo kay Tom Rodriguez ang panalo niya bilang Outstanding Performance by an Actor in a Drama Series (“My Husband’s Lover”) sa nakaraang Golden Screen Awards for TV. Pareho silang nominated sa naturang category at ayon kay Dennis, malaking bagay na sila ni Tom ang nagkasama sa MHL dahil nagkatulungan sila sa pagganap sa kanilang gay roles bilang Eric at Vincent.
Nag-klik ang kanilang TomDen tandem at marami ang humihiling sa GMA na sana’y magkaroon ng sequel ang MHL. Ang gusto naman ni Dennis ay prequel na magsisimula ang kuwento noong mga bata pa sila.
Nagtatanong ang fans, ano raw ba ang susunod na project ni Dennis? Matagal na siyang nag-renew ng kontrata sa GMA. At ano rin daw ba ang bagong project ni Tom? Baka raw mabantilawan na ang pagsikat niya kung itetengga siya nang matagal. Sayang naman daw ang biglang pagsikat ni Tom sa MHL kung hindi masu-sustain.
Ang galing-galing!
Kung sa totoong buhay mararanasan ang pinagdaraanang pagsubok at problema nina Gardo Verzosa at Glydel Mercado sa “Rhodora X,” baka bumigay na ang may mahihinang kalooban. Gumaganap na mag-asawa sina Gardo (as Derek) at Glydel (as Lourdes) at mga anak nila sina Jennylyn Mercado (as Rhodora/Roxanne) at Yasmien Kurdi (as Angela).
Kapag pinanonood namin sina Gardo at Glydel, para bang damang-dama ang bigat ng mundong dala-dala nila sa problema nila sa kanilang dalawang anak, lalo na kay Rhodora/Roxanne. Ang galing-galing nila.
Kapuri-puri rin ang ipinapakitang acting ni Jennylyn, hindi lang sa dalawang magkaibang katauhan, may ikatlo pa (bilang batang Rowena). Overwhelmed si Jen sa mga papuri sa kanya sa social media. Aniya, sulit ang mga hirap niya sa pagganap ng tatlong magkakaibang katauhan sa “Rhodora X.” Maganda rin ang rating nito, kaya sobrang thankful si Jen and her co-stars sa mga sumusubaybay sa RX na weeknights napapanood sa GMA Telebabad.
Siyanga pala, hinirang si Jen bilang Ambassador of the Ocean ng Department of Environment and Natural Resources. A few days ago, nasa Anilao, Batangas siya para sa isang clean-up drive. This Sunday (March 30), nasa Cavite naman si Jen para sa isang triathlon competition. Sports buff din kasi ang Kapuso actress.