by Rowena Agilada
Kahit Holy Week, nagtrabaho pa rin si Alden Richards. Nag-shoot siya para sa “Cain at Abel “ na first movie nila ni Aljur Abrenica. This Easter Sunday, bonding time naman ni Alden sa kanyang pamilya.
Unang nagsama sina Alden at Aljur sa isang episode ng “Magpakailanman” kung saan gumanap sila bilang magkapatid.Nagkasubukan sila ng acting talents, kaya naman sa pagsasama nila sa big screen, mas lalo pang masusubukan ang kakayahan ng dalawang Kapuso actors.
Malayo ito sa pelikulang “Cain at Abel” na pinagbidahan noon nina Christopher de Leon at Phillip Salvador na gumanap bilang magkapatid na hango sa istorya sa Bible. Sa pamagat lang nagkapareho, pero ani Alden, ibang-iba ang kuwento ng movie nila ni Aljur. Gaganap sila bilang matalik na magkaibigan na later on, magsisiraan sila. May mga mangyayaring twists sa istorya at mababale-wala ang kanilang friendship . Si Adolf Alix ang direktor.
Dubai-bound
Paalis sa last week ng buwang ito papuntang Dubai sina Richard Gutierrez at Sarah Lahbati para sa isang fashion show on May 1,2014. Gaganapin ang event sa Domeland The Arena at makakasama nilang rarampa ang mga international models na naka-based sa Dubai. Isa sa mga fashion designer ang sikat na si Furne One.
First time ni Sarah makakapunta sa Dubai na ayon sa GMA Artist Center talent, 3 to 4 days silang mananatili roon ni Richard. Excited na raw siyang makita at makadaupang-palad ang mga kababayang Pinoy sa Dubai at Abu Dhabi.
Habang wala pang project si Sarah sa GMA7, pinayagan siyang gumawa ng isang telesine sa TV5.Si Richard naman ay gumawa ng pelikula sa GMA Films, “Overtime” with Lauren Young. Busy-bisihan din si Richard sa taping ng reality show ng pamilya Gutierrez, “It Takes Gutz To Be A Gutierrez.” Nag-Asian cruise na sila.
Pang-matagalang tulong
Sa pamamagitan ng Kapuso Adopt A Banca project, nakapamigay na si Marian Rivera ng 100 bancas sa mga mangingisda sa Bantayan Island Northern Cebu.
Naka-first wave na sila at nagpapasalamat si Marian sa mga taong patuloy na sumusuporta sa kanilang proyekto. Isa na si Congressman Ronald Singson ng Fearless Productions. Magkakaroon sila ng second wave at inaasahan ni Marian na marami pang may mabubuting puso ang magbibigay ng tulong para magtuluy-tuloy ang proyekto para sa mga kababayang nasalanta ng bagyong Yolanda.
Twenty-five thousand pesos pataas ang kailangan para sa pagpapagawa ng isang bangka.Ayon kay Marian, nag-survey sila at napag-alaman nilang mas maraming mangingisda sa Northern Cebu ang naapektuhan ng bagyong Yolanda.Gusto ni Marian ng pang-matagalang tulong,kaya naisip niyang mamigay ng mga bangka para magamit ng mga mangingisda sa kanilang paghahanapbuhay.