by Rowena Agilada
SA Kamay ni Hesus sa Lucban, Quezon nag-Holy Week si Kristoffer Martin with his family. Balikan lang sila noong Black Saturday at pagkatapos ay tumuloy sila sa Olongapo kung saan tagaroon sila. Doon lang muna namamalagi si Kristoffer habang wala pa siyang regular show sa GMA7 after “Paraiso Ko’y Ikaw.”
TV guestings lang muna siya at sa episode ng “Magpakailanman” na mapapanood ngayong Sabado (April 26), tampok si Kristoffer. For the first time, gay role ang gagampanan niya. Gaganap siya bilang Nognog sa “Siga Noon, Beki Na Ngayon: The Christopher Aguinaldo Story.” Aniya sa pocket presscon, na-challenge siya, kaya hindi na siya nagdalawang-isip tanggapin ang role. Si Sef Cadayona raw ang peg niya dahil magaling itong magbading-badingan.
Nagdamit pambabae rito si Kristoffer at aniya, nahirapan siya sa short shorts dahil sobrang sikip. Nilagyan din siya ng false eyelashes at fully made-up siya para girl na girl ang dating niya.
Sa matinding takot sa ama, inilihim ni Nognog ang tunay niyang pagkatao. Pinilit niyang labanan ang pagkabakla at pinilit magpakalalaki. Galit-galitan siya sa mga bakla. Parati siyang nasasangkot sa gulo, basagulero at pinilit maging babaero hanggang nakabuntis siya ng tatlong babae at nagkaanak ng tatlo.
Subalit hindi na niya naitago ang pagkabakla noong nakilala niya ang isang bagong kapitbahay na lalaki. Alamin kung paano tinanggap si Nognog ng kanyang pamilya.
Tampok din sina Mark Herras, Michael de Mesa, Shamaine Buencamino, Jan Manual, Maricris Garcia at Bryan Benedict. Directed by Neal del Rosario. Mapapanood ang “Magpakailanman” pagkatapos ng “Vampire ang Daddy Ko.”
Di nagkabalikan
Sa pakikipag-usap pa rin namin kay Kristoffer Martin, itinanggi niyang nagkabalikan sila ni Joyce Ching. Pero may communication pa rin sila hanggang ngayon. “Friends pa rin kami. We’re trying to work things out, pero walang commitment. Gusto kong mag-usap na kaming dalawa lang. Parati niya kasing kasama ang pamilya niya. Conservative kasi ang mga ’yun at kahit noong kami pa ni Joyce, hindi siya pinapayagan sumama sa akin na mag-isa lang siya,” saad ni Kristoffer.
Okey pa rin ba naman siya sa pamilya ni Joyce?
“Okey pa rin naman. Pero siyempre, hindi na gaya noong dati. Sabi lang nila, kung tao akong pupunta sa bahay nila, tatanggapin nila ako. Welcome pa rin naman ako sa bahay nila,” lahad ni Kristoffer.
Nabanggit din ng GMA Artist Center talent na magbabakasyon siya sa Boracay kasama ang mga kaibigan niya sa San Beda College kung saan nag-aaral si Kristoffer ng Entrepreneurship. Aalis sila on May 3 at hanggang May 7 sila roon. Magkikita rin sila roon nina Derrick Monasterio at Hiro Peralta.