by Rowena Agilada
KAKAIBANG experience para sa amin na isang inmate ang nainterbyu namin kasama ang ilang entertainment writers sa loob mismo ng New Bilibid Prison (Bureau of Corrections) sa Muntinlupa City. Sobrang higpit ang mga nakatalagang guwardiya bago kami nakapasok sa loob at talagang binulatlat ang mga laman ng bag namin at saka kinapkapan ang buong katawan namin.
Sa isang function room, ipinakilala sa amin ang inmate na si Herbert C. Sa loob at labas, nagkalat ang security personnel. Nakatalaga si Herbert sa Maximum Security compound. Nasangkot siya sa isang bank robbery at aniya, idiniin lang siya ng mga kasama niya at siya ang itinurong mastermind. “Wala akong kinalaman du’n. Ipinababahala ko na lang sa Diyos ang hustisya,” saad ni Herbert.
Twelve to fourteen years ang sentensiya sa kanya at naka-six years and a half na siya. Taga-Ozamis City si Herbert at five years siyang nakulong sa Ozamis City Jail bago siya dinala sa NBP. One year and six months na siya roon. Ani Herbert, nagpapasalamat pa siya sa kanyang complainants dahil noong nakulong siya sa NBP ay natupad ang pangarap niyang maging recording artist. Nakilala niya ang magkapatid na composers na sina Margot at Edith Gallardo at ipinagprodyus siya ng mga ito ng album.
Debut album
Minsang nag-show sa NBP ang Mocha Girls kasama ang road manager nilang si Joyce Pagala, nakilala nito si Herbert. Nalaman nitong mahilig siyang kumanta, kaya ipinakilala siya kina Margot at Edith. Ayon sa PR lady na si Joan Atayan, maraming proseso ang pinagdaanan bago pinayagan si Herbert na makapag-recording ng mga kanta niya para sa kanyang debut album titled “Herbert: Kinabukasan.” Mismong sa loob ng NBP siya nag-record ng limang awitin na sinulat ni Edith. Two months nag-record si Herbert. Distributed ng Ivory Records ang kanyang album.
“Pa’no Yon?” ang carrier single na paboritong pinapatugtog sa mga radio station nationwide. Ang iba pang kantang nakapaloob sa album ay “Ikaw ang Pag-ibig,” “Akala Mo Lang ’Yon,” “Kinabukasan” at “Doon Lang.” Bawat isa’y may minus one. Agad-agad, nag-platinum ang album ni Herbert at isinabay sa concert niya ang awarding last April 27.
Concert
Sa social hall ng NBP ginanap ang concert na ang ibang performers ay kapuwa inmates ni Herbert. May binuo rin siyang sariling banda. And yes, marami siyang fans na nanood na pinapasok sa loob ng NBP at naki-jamming kay Herbert.
Bukod sa pagbibigay ng entertainment sa kapuwa niya inmates, aktibo rin si Herbert sa charity work. Aniya, may mga kaibigan siya at mga pulitiko na nagbibigay ng financial support. Nag-umpisa siya sa feeding program. Naipagamot din niya ang isang dating bulag na anak ng isang inmate. Nanood ito ng kanyang concert at pinasalamatan siya. ’Andun ang mother ni Herbert at touching ang eksenang umakyat ito sa stage. Kinantahan, niyakap, hinalikan at pinasalamatan ni Herbert ang kanyang ina na maluha-luha.
Dahil sa maganda niyang record, ginawa siyang chairman ng Maximum Security compound. “Gusto ko lang ipamulat sa kapuwa inmates ko na hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga katulad namin. May kinabukasan pa ring naghihintay sa amin kapag gumagawa kami ng mabuti. Nagpapasalamat ako kay Mama Mary at sa Poong Nazareno sa Quiapo sa paggabay Nila sa akin,” pahayag ni Herbert. Siya ang nagsisilbing inspirasyon ng kapuwa niya inmates.
Sa totoo lang, magandang materyales ang kuwento ng buhay ni Herbert. Pwedeng pang-“Magpakailanman” o pang-“Maalaala Mo Kaya.” Bukas, ilalahad namin ang iba pang kuwento ng kanyang buhay. Ano klaseng pamilya ang pinanggalingan niya? Paano siya bilang isang anak? Ang pagkaligaw niya ng landas at ang makulay niyang buhay-pag-ibig.