by Rowena Agilada
IWAS-pusoy si direk Gina Alajar nang tangkain naming interbyuhin sa taping ng “Villa Quintana” sa isang mansion sa Baliuag, Bulacan.
Bagay sa kanya ang very short hair at nagmukha siyang 20 something lang ang edad. Nasa early 50s na si direk Gina. Naka-t-shirt, maong shorts at rubber shoes pa siya, kaya bagets ang dating niya. Wala pang make-up, kaya natural beauty si direk Gina.
Kung dati’y nakikipagtsikahan siya sa entertainment writers na dumadalaw sa set ng mga programang dinidirek niya, busy-bisihan kuno si direk Gina. “Hindi ako artista. Huwag n’yo akong interbyuhin,” palusot niya. Knows niya kasing tatanungin siya tungkol sa break-up ng anak niyang si Geoff Eigenmann at Carla Abellana.
“So it’s you,” pahaging ng isang kasama naming writer. “Ano ’yun?” tanong ni direk Gina. “Pelikula ni Carla Abellana,” sabi ng writer. “Ay, naku, hindi ako kasali sa pelikula,” sambit ni direk Gina sabay alis at magtatrabaho pa raw siya. Umiwas ba talaga?
Chill lang
Bagong pasok na karakter sa “Villa Quintana” si Joyce Ching. She plays Crystal, anak ng mayor ng San Isidro at magkakagusto siya kay Isagani (Elmo Magalona). May pagka-bad girl siya, ayon kay Joyce. Pero babait siya dahil kay Elmo.
Nagkasama na sila sa pelikulang “Tween Academy: Class 2012,” kaya wala na silang ilang factor working with each other sa “Villa Quintana.” First time naman ni Joyce katrabaho si Janine Gutierrez at aniya, okey ang working relationship nila.
May napapansin ba siyang namamagitang something kina Elmo at Janine? “Hindi ko alam kung sila na. Ayokong magtanong. Nakikita ko, masaya naman sila,” saad ni Joyce.
Napanood ba niya ang “Magpakailanman” na tinampukan ng ex-boyfriend niyang si Kristoffer Martin? “Oo naman. Ang galing niya,” ani Joyce.
Ikaw pa rin daw ang gusto niyang makabalikan, kahit may idine-date siyang ibang girl, sabi ng press. “May press release siyang gano’n? (laughs),” saad ni Joyce. “Chill lang. Kung saan siya masaya. Kanya-kanya kaming hanap ng happiness. For now, ayoko munang isipin ang love life. Ayoko munang mag-entertain ng suitors.”
Balik-sitcom
After more than a decade, balik sa paggawa ng sitcom si Joey de Leon. Last sitcom niya ang “Kiss Muna” with Elizabeth Oropesa at si Rayver Cruz ang gumanap bilang anak nila. First sitcom ni Joey ang “Joey and Son” with Ian Veneracion.
Sa bago niyang sitcom, “One of the Boys” na mapapanood tuwing Sabado simula bukas sa TV5 at 9 p.m., si Eula Caballero ang gaganap bilang anak ni Joey. Aniya sa presscon, first time niya na babae naman ang anak niya. “Ayoko sanang gumawa muli ng sitcom dahil mahabang oras ang taping. Pero na-miss ko at gusto ko ring maranasan na babae naman ang anak ko. Nag-e-enjoy ako sa ‘One of the Boys.’ Updated ang mga lengguwahe. Noong una, parang nanganganay ako. Kalaunan, nasanay na ako. Masaya kami sa set,” wika ni Joey.
He plays Daddy Jerry ‘DJ’ Silang, hardworking at single father. Dati siyang OFW sa London at pagbalik sa Pilipinas, nagtayo ng maliit na talyer.
Kasama rin sa cast sina Nadine Samonte, Empoy at ang Juan Direction na binubuo ng mga Brinoys (half-British half-Pinoys) na sina Charlie Sutcliffe, Michael McDonnell, Brian Wilson, Henry Edwards at Dan Marsh.
* * *
Mamaya sa “Rhodora X,” palaisipan kung nasaang ospital si Angela (Yasmien Kurdi). Nag-imbento si Roxanne (Jennylyn Mercado) kung paano nahiwalay at nawala si Angela. Nalilito sina Joaquin (Mark Herras) at Derrick (Gardo Verzosa) sa magulong salita nina Rhodora at Roxanne tungkol kay Angela.
Nasa loob ito ng container van at tumirik ang mga mata. Mamatay kaya si Angela?