by Rowena Agilada
NAPAIYAK si Sarah Lahbati noong presscon cum special screening ng “More Than Words” (MTW). Overwhelmed kasi siya sa mga papuri sa kanya ng co-stars niya sa naturang Mother’s Day presentation ng Studio5 Original Movies ng TV5.
Nagmistulang tribute kay Sarah ang mga pahayag nina Jackielou Blanco, Alice Dixson at Carl Guevarra. No show sa presscon si Ariel Rivera na gumanap bilang ama-amahan ni Sarah sa MTW. Ever since naman ay aloof si Ariel sa press.
“Nakakataba ng puso ang mga sinabi nila. It’s a pleasure working with them at sobrang thankful ako na na-appreciate nila ’yung hard work ko,” ani Sarah. Thankful siya sa GMA7 na ipinahiram siya sa TV5 para gawin ang MTW. Aniya, very special sa kanya ang project, lalo pa’t Mothers’ Day presentation ito.
Bawal tanungin si Sarah tungkol sa matagal nang isyung diumano’y may anak na sila ni Richard Gutierrez, kaya bigo ang mga entertainment writers na nagtangkang tanungin si Sarah. Pagkatapos ng press screening at question-and-answer portion, agad umalis si Sarah kasama ang kanyang mommy.
Tama naman ang mga papuri ng co-stars ni Sarah sa MTW dahil mahusay talaga ang pagkaganap niya bilang Emily. Ampon siya nina Samuel (Ariel Rivera) at Vianna (Jackielou Blanco). Hindi sila magkasundo ni Jackielou at parati itong galit sa kanya. May confrontation scenes sila na nakipagsabayan si Sarah sa aktingan kay Jackielou.
Dapat lang talagang ipagpatuloy ni Sarah ang kanyang showbiz career para lalo pang ma-explore ang acting talent niya.
Hesitant
Si Alice Dixson ang tunay na ina ni Sarah Lahbati sa “More Than Words” at may confrontation scenes din sila noong nalaman ni Sarah na si Alice ang tunay niyang ina. May speech defect si Alice at utal siyang magsalita. Mahusay niyang naitawid ang kanyang karakter bilang Sabel.
Ani Alice, noong una’y hesitant siyang tanggapin ang role dahil nag-aalala siyang baka hindi niya ito magampanang mabuti. Nag-google siya tungkol sa mga taong may speech defect. May nakausap din siyang isang tao na nagbigay ng pointers sa kanya kung paano siya magde-deliver ng lines.
In real life, walang anak si Alice. Pero napabilib niya ang direktor na si Jon Red and her co-stars na nagampanan niya ang role ng isang mapagmahal na ina bilang Sabel. Nakulong siya sa pagkapatay niya sa lalaking nagbenta ng anak niya (Sarah) sa isang mayamang mag-asawa (Ariel Rivera at Jackielou Blanco). Nag-krus ang landas nina Emily at Sabel nang i-recruit si Emily ng kaibigan at bandmate niyang si Edwin (Carl Guevrra). Nag-volunteer worker si Emily sa isang community ng parolees.
Nagkalapit ang loob nina Emily at Sabel, hanggang natuklasan ni Emily na siya ang hinahanap na anak nito. Abangan ang natatanging pagganap nina Alice at Sarah sa “More Than Words” sa Linggo (May 11) at 9 p.m. sa TV5.
Kapuso na
Si Martin del Rosario ang na-blind item na Kapamilya actor na lilipat sa GMA7. Kapuso na si Martin at siya ang bagong karakter na papasok sa “Rhodora X.” Gaganap siya bilang Martin at magkakaroon siya ng kaugnayan sa buhay nina Rhodora/Roxanne (Jennylyn Mercado) at Angela (Yasmien Kurdi).
Samantala, magkahalong inis at awa ang nararamdaman ng televiewers kay Jennylyn sa pagganap niya bilang Roxanne at Rhodora. Sumosobra na ang kasamaan niya bilang Roxanne sa pagpapahirap na ginagawa niya kay Angela. Kailan kaya reresbak si Angela? ’Yun ang magandang abangan.
Nakakaawa naman si Jen bilang Rhodora. Ani Jen, itong “Rhodora X” ang pinakamahirap at pinaka-challenging project ever na nagawa niya. Sulit naman aniya dahil sa magagandang feedback sa kanilang teleserye na weeknights ay sinusubaybayan sa GMA Telebabad.