by Rowena Agilada
BINGI-BINGIHAN, maang-maangan si Sarah Geronimo nang tanungin siya sa presscon ng “Maybe This Time” (MTT) kung kailan niya naramdaman na maybe this time, panalo na ang pag-ibig. “Ano po ’yun?” balik-tanong niya.
“In love ka ba ngayon?” diretsong tanong ng isang reporter. Nagpaliguy-ligoy pa sa pagsagot si Sarah at aniya, sa ibang pagkakataon na lang pag-usapan ’yun.
“Wala pa ring inamin,” bulong ng katabi naming entertainment writer. What else is new? Akala ba namin, handa na si Sarah ipaglaban kung sinuman ang inspirasyon at minamahal niya ngayon? Is it you, Matteo Guidicelli?
Si Coco Martin na leading man ni Sarah sa MTT ay nagsabing nakikita niyang masaya ang singer-actress. Off-camera ay nakakapag-usap sila, pero hindi tungkol sa personal life. “Tungkol lang sa trabaho,” ani Coco na aniya pa’y for the longest time ay loveless siya. “Choice ko dahil iniisip ko ang future ng family ko (his lola and siblings) at para sa sarili ko na rin.”
Sabi pa ni Coco, nakikita nila ni Sarah ang sarili nila sa isa’t isa. Halos pareho sila ng pinagmulang buhay. Pareho silang simpleng tao, mapagmahal sa pamilya, maraming bagay na pareho nilang pinaniniwalaan.
Co at Sa ang tawagan nila sa isa’t isa na kapag pinagsama, Cosa ang tunog. Kapag Sa at Co naman, Saco ang tunog.
Album launch
Birthday ni Jennylyn Mercado last May 15 at sa taping ng “Rhodora X” siya nag-celebrate kasama ang cast. Nagparty-partyhan sila, sayaw-sayaw. “Katuwaan lang,” ani Jen nang nakausap namin sa pocket presscon ng “Rhodora X.”
Bago ang hairstyle niya ngayon at pinaiklian niya ang lampas-bewang niyang buhok. Lampas-balikat na lang ito. “Ang init kasi ng panahon. Noong naligo ako, paglabas ko ng banyo, init na init ako. Pinagpapawisan, kaya nagpunta ako sa parlor, nagpagupit (laughs),” kuwento ni Jen.
Hindi naman kaya dahil may pinagdaraanan pa siya? “Naku wala na, noh! Eh, di sana, noon pa ako nagpagupit,” saad ni Jen na alam niyang ’yung break-up nila ni Luis Manzano ang ibig sabihin ng reporter. “Mas masaya, mas enjoy ako ngayong single ako.”
Incidentally in line sa kanyang birthday at 10th anniversary in showbiz, ilo-launch this Sunday sa SAS (“Sunday All Stars”) ang carrier single ni Jen titled “Basta’t Nandito Ka” (composed by Vehnee Saturno) mula sa bago niyang album “Never Alone” under GMA Records. Available na rin ito sa digital format via iTunes.
Ten OPM songs ang nakapaloob sa album, kasama rito ang “Kahit Sandali, “Sa Hatinggabi” na theme song ng “Rhodora X.” May revival ng “Till My Heartaches End” originally sung by Ella Mae Saison.
Birthday girl
Kahapon ang 20th birthday ni Julie Anne San Jose at nagkaroon siya ng advanced celebration noong May 8 sa piling ng mga less fortunate children sa White Cross Children’s Home sa San Juan, MM. Kinantahan niya ang mga ito, nakipaglaro at nagpakain siya sa lubos na kasiyahan ng mga bata.
Ani Julie Anne, pinili niyang doon mag-celebrate ng kanyang kaarawan para maibahagi ang kanyang blessings. “This is my simplest way of sharing the blessings that God has been giving me. Every year, nagbe-birthday tayo and we ask for more blessings to come, we might as well share the blessings na natatanggap natin. Masarap kasi ’yung feeling kapag nakakatulong ka,” pahayag ni Julie Anne.