by Rowena Agilada
KUNG hindi pinapayagan ni Jennylyn Mercado manood ng “Rhodora X” ang anak niyang si Alex Jazz, okey naman kay Yasmien Kurdi na panoorin ito ng anak niyang si Ayesha. Tuwang-tuwa raw ang bagets kapag napapanood siya sa TV at sinasabi nito, “Mama! Mama!”
Tatapusin lang ni Yasmien ang taping ng mga nalalabi niyang eksena sa “Rhodora X” at magpapaiskedyul na siya ng operasyon sa kanyang lalamunan. Ani Yasmien, sinabihan siya ng kanyang doctor na risky ang gagawing operasyon at walang assurance na maibabalik sa dati ang boses niya.
One month siyang magpapahinga after the operation. Ayon kay Yasmien, after ng New Year countdown this year, naging paos ang boses niya. Tumagal ’yun ng two to three months, kaya nagpa-check up siya at nalamang may cyst siya sa kanyang throat.
“Natatakot ako, pero think positive na lang. Kesa magmukmok ako at isipin ang magiging resulta after ng operation,” saad ni Yasmien.
Bale ba, may kasunod na agad siyang project after “Rhodora X.” Kasama siya sa cast ng remake ng “Mga Batang Yagit” na si Gina Alajar ang direktor.
Excited
Bela Padilla turned 23 on May 3, pero wala siyang birthday celebration. Signature clothes (River Island at Top Shop) worth R20,000 ang regalo ng businessman- boyfriend niyang si Neil Arce.
“Tinanong niya ako kung ano’ng gusto kong birthday gift. Sabi ko, clothes kaya ipinang-shopping niya ako,” lahad ni Bela nang nakausap namin sa pocket presscon para sa bago niyang show sa GMA News TV, ang “Sa Puso ni Dok.” Medical series ito na si Dennis Trillo ang leading man with Adolf Alix, Jr. at the helm.
Ayon pa sa Kapuso actress at GMA Artist Center talent, in line sa kanyang post-birthday celebration, may charity project siya tomorrow. Magdo-donate siya ng mga aso’t pusa sa PAWS (Philippine Animal Welfare Society). Magpapakain din siya ng mga hayop. Nakikiisa si Bela sa layunin ng PAWS na pangalagaan at mahalin ang animals.
Excited si Bela sa medical series nila ni Dennis kung saan gaganap siya bilang Dra. Gab na isang general practitioner. Ang “Sa Puso ni Doc” ay sumasalamin sa ilang isyu na kinakaharap ng medical industry.
Bukod sa medical series na ito, dalawang pelikula ang ginagawa ni Bela, “Barbara,” re-imagination at 2014 version ng “Patayin Mo sa Sindak si Barbara” na si Chris Castillo ang direktor, anak ng yumaong direktor na si Celso Ad. Castillo who directed the original version. The other one is “Cain at Abel” with Aljur Abrenica and Alden Richards.
No show
No show si Mark Herras sa SAS (“Sunday All Stars”). Mukhang totoo ang tsismis na suspended siya ng GMA Network dahil sa mga pahayag niya tungkol sa mga natanggal na Kapuso stars sa naturang Sunday show.
Hanggang kailan kaya siya suspended? Makabalik pa kaya si Mark sa SAS?