by Rowena Agilada
MAY conscious effort si Coco Martin para mag-work ang kilig factor sa tambalan nila ni Sarah Geronimo sa “Maybe This Time” (MTT). Aniya, pag nasa bahay siya, paulit-ulit niyang pinapakinggan ang kanta ni Sarah (“Maybe This Time”). “Nakaka-in love. Feeling ko, guwapung-guwapo ako. May Sarah na may Ruffa (Gutierrez ) pa akong kasama sa pelikula,” sambit ni Coco.
Aniya pa, kakaibang Sarah ang mapapanood sa pelikulang ito at minsan nga raw ay natutulala siya sa mga eksena nila. “Sobrang galing ni Sarah. Siya pa ang nagpapalakas ng loob ko kung ano’ng dapat kong gawin. Sinasabihan niya ako, wag kong isipin na siya si Sarah Geronimo, kungdi ’yung karakter niya bilang Steph. Hindi siya nagpakita ng limitasyon at sabi niya, “Lahat tayo dito pantay-pantay.”
From a scale of one to ten, 10 ang rating niya sa performance ni Sarah. “Nagulat ako talaga sa kanya,”ani Coco.
Text nang text
Ibinuko ni Ruffa Gutierrez sa presscon ng “Maybe This Time” na kapag break time nila’y nasa isang sulok lang si Sarah Geronimo at text ng text. Hindi lang niya alam kung sino ang ka-text ng Popstar Princess. “May dala rin siyang book. Mabait si Sarah, humble at magaling umarte,” lahad ni Ruffa.
Aniya pa, off-camera, nagkukulitan naman sila ni Coco Martin. Makuwento raw ang Kapamilya actor. Pero kapag take na, mga mata pa lang daw ni Coco ay magaling na umarte. “He’s a very good actor. I want to work with him again. I feel blessed na kasama ako sa movie,” saad ni Ruffa.
By the way, nasa Singapore this week ang pamilya Gutierrez para sa promotion ng kanilang reality show, “It Takes Gutz to Be a Gutierrez.” Inimbitahan sila ng NBC Universal, ang namamahala sa E! Channel sa Asia. Sagot nito ang airline tickets at hotel accommodations sa three-day stay ng mga Gutierrez sa Singapore.
Iba’t ibang promotional activities ang inihanda ng NBC Universal. May panel discussion on social media at may iba’t ibang set ng interviews ang international media. Hindi lang dito sa Pilipinas inaabangan ang reality show ng pamilya Gutierrez, pati sa iba’t ibang parte ng Asia. Pilot telecast ng ITGTBAG on June 1 at 9 p.m. sa Skycable Channel 57, Cablelink Channel 33 at Cignal Cable Channel 25.
Makulit pa rin
Sobrang makulit pa rin si Derrick Monasterio, ayon kay Barbie Forteza. Magkasama na naman sila sa “The Half-Sisters” with Thea Tolentino and Andrei Paras. Bagong Afternoon Prime fare ito na malapit nang mapanood sa GMA7.
Huling nagkatrabaho sina Barbie at Derrick sa “AnnaKareNina.” “Si Derrick, wala pa ring pagbabago. Ganyan na siya kahit noong ‘Tweenhearts’ days namin. Lalo pa siyang kumulit ngayon. Pero okey lang. Masaya at masarap siyang katrabaho. Komportable na kami sa isa’t isa,” lahad ni Barbie nang nakausap namin sa taping ng “The Half-Sisters.”
Hindi ba siya nililigawan ni Derrick? “Naku hindi! Malabo ’yun. (laughs). Eh, di sana noon pa niya ako niligawan. Working partners lang kami talaga. Hanggang du’n lang ’yun.”
Kumusta naman katrabaho si Andrei Paras? “Inglisero (laughs). Pero nagpipilit naman siyang mag-Tagalog. Nagpapakiramdaman pa kami. Sa tingin ko naman, okey siya. Mabait naman siya. Walang hassle working with him.”