by Rowena Agilada
FEELING like a professional boxer na ngayon si Alwyn Uytingco dahil sa ginagampanan niyang role sa “Beki Boxer (BB),” primetime dramedy series ng TV5. Sa mga nakaraan niyang laban bilang Rocky Ponciano, professional boxers ang nakaharap niya sa boxing arena, tulad ni Bay Elorde, apo ng yumaong boxing champ na si Gabriel “Flash” Elorde.”
“Dati, wala akong hilig sa boxing. Mas gusto ko ang karate. Ngayon, gusto ko na rin ang boxing,” sabi ni Alwyn nang nakausap namin sa taping ng “Beki Boxer” sa MP (Manny Paquiao) gym sa Sampaloc, Manila.
Sa mga susunod na episodes ng BB, mismong trainor ni Manny Pacquiao na si Buboy Fernandez ang magiging coach/trainor ni Alwyn sa boxing. “Isang malaking karangalan na makatrabaho ko si coach Buboy. Thankful akong pumayag siyang lumabas sa dramedy series namin. Mas marami akong matututunan sa boxing. Lalong tumaas ang respeto ko sa mga boksingero dahil mahirap ang ginagawa nilang training bago sumabak sa laban. Kailangan ang disiplina sa sarili at hindi ka dapat tamarin sa pagte-training,” lahad ni Alwyn.
Sigurado na
Ayon pa kay Alwyn, physically tiring ang mga boxing scenes niya sa “Beki Boxer.” Nakakapagod ang paulit-ulit na suntukan at minsa’y hindi maiwasang magkasakitan sila ng kalaban niya. May mga nakaantabay namang medics at ambulansiya sa set, ani Alwyn.
Grateful siya sa TV5 sa importansiyang pinaparamdam sa kanya. May malaking billboard siya bilang beki boxer sa EDSA. May print ads din sa mga dyaryo.
Tatlo ang regular shows ni Alywn sa Kapatid Network… “Beki Boxer,” “Tropa Mo Ko Unli” at “Jasmine” na malapit nang mapanood. Bida rito si Jasmine Smith. Naka-three years na si Alwyn sa TV5 at aniya, magre-renew siya ng kontrata dahil masaya siya sa pagtatrabaho sa Kapatid Network.
May time pa ba siya sa kanyang love life? “Oo naman!” pakli ni Alywn. “Understanding at supportive ever si Jen (Jennica Garcia). Four years na kami together at siya na talaga ang babaeng pakakasalan ko. Sigurado na ako at alam niya ’yun.”
Ayon pa kay Alwyn, freelancer ngayon si Jen matapos mag-expire ang kontrata nito sa GMA7. Habang wala pang TV/movie project, busy-bisihan si Jen sa on-line bake shop niya (Vanilla Whiskers Pet Bakery). Nagbe-bake siya ng cup cakes para sa mga aso’t pusa.
TV star na rin
Nakausap din namin si coach Buboy Fernandez na long-time friend ni Manny “Pacman” Pacquiao. Aniya, bata pa lang si Manny ay mahilig na talaga sa boksing. Bagama’t hindi boksingero si coach Buboy, naging trainor siya ni Pacman.
Kuwento ni coach Buboy, ninakaw at ipinagbili niya ang bisikleta ng tatay niya para makabili sila ng ticket sa barko papuntang Maynila. Sa isang lumang gym sila nag-ensayo ni Pacman. Memorable ang gym na ’yun, kaya noong sumikat at nagkaroon ng maraming pera si Pacman, binili at ipinaayos niya ang gym. Seven floors ang building na pag-aari na ngayon ni Pacman.
Sa paglabas naman ni coach Buboy sa “Beki Boxer,” hindi niya natanggihan ang offer ng TV5 dahil aniya, as himself naman ang karakter niya. Trainor siya ni Rocky Ponciano (Alwyn Uytingco).
Si coach Buboy kaya ang magiging susi ni Rocky upang matupad ang kanyang pangarap na maging world champion boxer? Makakabawi pa kaya si Rocky sa kanyang boxing career matapos ang isang malaking dagok sa huling laban niya? O, tuluyan na lamang siyang malalaos tulad ng ama niyang si Max (Christian Vasquez)? Tutok lang sa “Beki Boxer,” weeknights, 7 p.m. sa TV5.