by Rowena Agilada
TATLONG maleta ng mga damit ang dala ni Ruffa Gutierrez noong nagpunta sila sa Singapore para sa promotion ng kanilang reality show, “It Takes Gutz to Be a Gutierrez.” Sa dinami-rami ng mga dala niyang damit, isa lang ang napili ng staff ng NBC Universal, ayon kay Annabelle Rama nang nakatsikahan namin sa pocket presscon ng pamilya Gutierrez para sa kanilang reality show.
Hindi naman nagamit ni Annabelle ang mga dala niyang alahas dahil bawal. Hindi niya naisuot ang dala niyang kuwintas. Simple lang daw kasi ang gusto ng mga taga-NBC Universal. Hindi siya nag-join sa interview ng international press dahil hindi siya sanay mag-Ingles at baka raw mapahiya lang siya sa mga sagot niya. Audience lang sila ng asawa niyang si Eddie Gutierrez at hinayaan nilang ang mga anak nilang sina Ruffa, Richard at Raymond ang interbyuhin.
Six episodes (one season) ang ITGTBAG na kinunan sa iba’t ibang Asian countries. Sa second season nito, pinag-iisipan nilang libutin naman ang buong Pilipinas. Every Sunday ang reality show ng pamilya Gutierrez na magsisimula sa June 1 at 9 p.m. sa E! Skycable Channel 57, Cignal 25, Cablelink 33 at sa iba pang cable providers sa Pilipinas at sa ibang Asian countries.
Ayaw na!
“Hindi na! Ayoko na!” ang sagot ni Annabelle Rama nang tanungin namin kung magpu-pulitika ba siya uli. Aniya, sobra siyang na-depress noong natalo sa nakaraang eleksyon. Kumandidato si Annabelle bilang congresswoman sa isang distrito sa Cebu.
“Para akong si FPJ (the late Action King Fernando Poe, Jr.). Nanalo siya, pero namatay dahil hindi niya natanggap na talo siya dahil dinaya siya. Gano’n din ako. Alam ko, nanalo ako. Iniyakan ko ang pagkatalo ko. Matagal akong hindi lumabas ng bahay,” words to that effect na pahayag ni Annabelle.
Dagdag pa niya, wala na raw PDAF (Presidential Development Assistance Fund), kaya ayaw na niyang mag-pulitika. “Kalokohan ’yung nagse-serve ka lang bilang isang pulitiko,” aniya.
“Siguro, na-guide rin ako ni Sto. Nino. Nagkaroon kami ng reality show (ITGTBAG). Nawala ang depression ko. Back to normal na ako,” saad ni Annabelle.
Tuloy pa rin ang pagma-manage niya ng talents at aniya, ibinasura na niya ’yung mga hindi magagaling. “Natira ’yung magagaling talaga, kaya hindi ako nahihirapang ihanap sila ng project,” sambit ni Annabelle. Bukod sa mga anak niyang sina Ruffa, Richard, Raymond at asawang si Eddie, nasa Royal Era Management Company ni Annabelle sina Jay Manalo, Ehra at Michelle Madrigal, TJ Trinidad, among others.
Hirap sa role
Isang martir na asawa ang role ni Maricel Soriano sa “Ang Dalawang Mrs. Real.” Aniya, hirap siya dahil in real life ay hindi siya gano’n. Pumayag siyang gampanan ang karakter na Millet Gonzales-Real dahil, “Binayaran ako nang sapat (laughs). Maging masaya na lang tayo,” she said.
Si Maricel ang unang pinakasalan ni Dingdong Dantes (as Anthony Real) at anang Diamond Star, masaya, masarap katrabaho at magaling umarte ang Kapuso Primetime King. Posible kayang ma-in love siya sa isang younger man tulad sa story ng kanilang teleserye? “Mahirap ’yun. Hindi pa nangyari ’yun sa akin. ’Wag na natin pag-usapan ang love life ko,” ani Maricel.
Kumusta naman ang pagtatrabaho niya sa GMA7? “Ay, masarap, masaya. Ang babait nila. Si direk Andoy Ranay, welcome sa kanya kung gusto kong mag-suggest ng pwede naming gawin sa mga eksena. Pwede rin akong makipag-compromise sa taping hours ko. Kung ang call time ko is 8 a.m., maaga akong nakakauwi. Hindi ako inaabot ng hatinggabi o madaling-araw sa taping,” lahad ni Maricel. Sa June 2 ang pilot telecast ng “Ang Dalawang Mrs. Real.”