by Rowena Agilada
PRESS-friendly si Andrei Paras, kaya madali siyang mahalin. Very accommodating sa interbyu at walang kaangas-angas ang 19-year-old son nina Benjie Paras at Jackie Forster. Kahit Inglisero, talagang nagpipilit mag-Tagalog si Andrei, kaya aliw ang entertainment writers na kausapin siya noong presscon ng “The Half Sisters.”
At his age, independent na si Andrei. Wala siyang alalay o bodyguard, wala ring driver. Dumarating siya sa taping ng “The Half Sisters” na siya lang mag-isa, bitbit ang mga gamit niya.
Madali siyang nakapag-adjust sa mga katrabahong Kapuso stars na sina Barbie Forteza, Thea Tolentino, Derrick Monasterio at senior stars na kasama sa naturang Afternoon Prime series ng GMA7 na magsisimula today pagkatapos ng “Eat Bulaga.”
Ayon kay Andrei, may drama scenes siya sa “The Half Sisters” at thankful siya sa mga co-star niya at kay direk Mark Reyes sa pagga-guide sa kanya. Andrei plays Brady Castillo, the rich, good-looking school jock. Si Thea Tolentino ang kapartner niya, pero mai-involve rin siya kay Barbie Forteza.
Ayon kay Barbie, kapag magka-eksena sila ni Andrei, nakatuntong siya sa apple box. “Ang tangkad niya kasi,” she said. Six-footer si Andrei at barely 5 ft. lang ang height ni Barbie.
Excited
Sobrang excited si Jean Garcia sa role niya (as Rina) sa “The Half Sisters,” kaya agad-agad ay tinanggap niya ito. Dalawang lalaki (Ryan Eigenmann as Alfred) at Jomari Yllana (as Benjie) ang makakabuntis sa kanya. Kambal na magkaiba ang ama ang magiging anak niya dahil sa medical term na hetero-paternal superfecundation. Si Ryan ang asawa niya, pero ni-rape siya ng ex-boyfriend niyang si Jomari.
Sina Barbie Forteza at Thea Tolentino ang half-sisters. Sobrang bait at api-apihan ang role ni Barbie bilang Diana, samantalang maldita at salbahe naman si Thea bilang Ashley. Nakatrabaho na ni Jean si Barbie sa “Stairway to Heaven” at first time niya with Thea.
”Pareho silang masarap at magaan katrabaho. Parehong professional. Si Thea, sinabihan ko siya na ibigay nang todo ang pagiging kontrabida. Kailangang all-out kontrabida ang gawin niya. Huwag niyang pansinin o isiping magagalit sa kanya ang fans ni Barbie. Magaling si Thea. She’s on the right track,” pahayag ni Jean.
Ayon naman kay Barbie, wish din niya ang kontrabida role para maipakita niya ang other side of her. Na-master na raw niya kasi ang bait-baitan role.