Sobrang na-miss nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang isa’t isa, kaya naman noong nagkita sila sa New York, super sweet ang mga pinost nilang kissing pictures nila sa kanilang respective Instragram accounts. Mahihiya ang mga langgam sa “katamisan” ng kanilang halik.
Parang isang romantic scene sa isang pelikula o teleserye ang kissing photos nina Dingdong at Marian. Ang caption ni Dingdong, “Pambihirang pananabik,” samantalang ang kay Marian ay, “Happiness to its fullest. Miss na miss na miss na miss na miss na miss na miss na miss, Mi Amor.”
By this time, nakabalik na sa Pilipinas sina Dingdong at Marian. Balik-trabaho na sila. Busy-bisihan na si Marian sa kanyang dance show at si Dingdong, sa taping ng “Ang Dalawang Mrs. Real.” Paigting nang paigting ang mga eksena dahil nagkaharap na ang dalawang Mrs. Real na sina Maricel Soriano at Lovi Poe.
Sasabak na sa pulitika
Mukhang papalaot na rin sa larangan ng pulitika si Luis Manzano sa 2016 elections. Inamin niya sa “The Buzz” na nag-usap na sila ng kanyang mommy (Governor Vilma Santos-Recto) at Tito Ralph (Senator Ralph Recto) tungkol sa posibilidad na pagkandidato niya sa Batangas. Pero ani Luis, nasa kanya ang final decision kung magpu-pulitika na rin siya tulad ng kanyang mommy Vi at Tito Ralph.
Matatandaang sa isang interbyu naman sa daddy Edu Manzano ni Luis, tahasan nitong sinabi na hindi pa panahon para mag-pulitika ang anak niya. Malakas pa raw itong kumita sa showbiz at dapat daw na samantalahin ni Luis ang magagandang oportunidad na dumarating.
Tama naman si Edu. Sa posibilidad naman na magpapakasal na sina Luis at Angel Locsin, anang TV host-Kapamilya actor, noong nagkabalikan sila ni Angel, napag-usapan na nila ang kasal. Hindi lang masabi ni Luis kung kailan at kung alin ang mauuna, ang kasal nila ni Angel o ang pagpasok niya sa pulitika.
May mga gustong pangunahan sina Luis at Angel na sana raw, magpakasal muna sila bago mag-pulitika si Luis. Magiging big asset daw kasi si Angel sa political career ni Luis, if ever.
Between now and 2016, marami pa ang pwedeng mangyari, kaya abang-abang na lang ‘pag may time.