by Rowena Agilada
SA kabila ng nangyari kina senators Bong Revilla at Jinggoy Estrada, hindi natatakot si Ai-Ai de las Alas na pasukin din ang larangan ng pulitika sa 2016 elections.
“Bilang isang kapuwa artista, nalulungkot ako para kina Bong at Jinggoy. Para kasing magkakapatid kami sa industriya. Gusto ko ngang dalawin si Bong na nakatrabaho ko sa isang pelikula,” saad ni Ai-Ai sa presscon ng concert nila ni Rico J. Puno, “Macho Guwapita” na gaganapin sa July 26 sa Solaire Grand Ballroom.
Ayon pa kay Ai-Ai, wala siyang dapat ikatakot kapag pinasok niya ang pulitika. Wala naman daw siyang maling gagawin, kundi to lang niyang tumulong para maging maganda at payapa ang bayan.
Aniya pa, hindi siya natatakot kalkalin ang nakaraan niya dahil open book naman ang buhay niya. “Bakit? “Yun ba ang gauge para hindi ako makapaglingkod sa bayan? Kung paano ka maglilingkod, du’n ka dapat i-judge,” pahayag ni Ai-Ai.
Idol
Idol niya si Gov. Vilma Santos-Recto at sa Batangas din kakandidato si Ai-Ai sa 2016 elections. “Magaling magpatakbo ng bayan si ate Vi. Magaling siyang politician at gobernadora,” sambit ni Ai-Ai.
Aniya pa, pinag-iisipan niyang mabuti kung kaya niyang i-give up ang pagiging artista sakaling palarin siyang manalo sa kanyang kandidatura. Hindi pa lang masabi ni Ai-Ai kung ano’ng posisyon sa gobyerno ang tatakbuhin niya.
“Mahal na mahal ko ang pagaartista. Ito ang bread and butter ko. Kaya, hindi pa ako nakakapag-desisyon kung iiwan ko ba ito o tutok na lang ako sa pulitika,” lahad ni Ai-Ai.
Sa Twitter bashers naman niya, binura na niya ang kanyang Twitter account, ayon kay Ai-Ai. “Nakaka-frustrate ang social media. Sobra kung makapaglambast, kung magmura. Bakit ano’ng karapatan nila? Nakakapikon talaga ’yung ibang bashers na wala nang ginawa kundi manira, manlait sa mga artista.”
Sanay na
Tungkol naman sa upcoming concert nina Ai-Ai at Rico J. Puno, unang nag-tour sa apat na casino sa East at West Coasts, USA last year ang “Macho Guwapita.” First time itong gaganapin sa Pilipinas.
Ani Ai-Ai, sanay na siya kay Rico sa batuhan nila ng green jokes on stage. “Si Rico ang taga-bomba, ako ang taga-react. No, never naman akong nabastos ni Rico. Abangan n’yo ang gagawin namin sa concert namin dito (Solaire Resort and Casino). Walang mga bagets, kaya pwede naming itodo ang green jokes (laughs),” wika ni Ai-Ai.
Ang Kapuso star na si Rita de Guzman ang front act sa “Macho Guwapita” na hatid ng Starmedia Entertainment. Tickets are available at Solaire Resort and Casino at all Ticketworld and SM Ticket outlets.
Next year, may big concert naman si Ai-Ai in line sa kanyang 25th anniversary in showbiz. Gaganapin ito sa Araneta Coliseum na siya ang co-producer ni Ana Puno (ng Starmedia Entertainment).
“Pag may sumabay sa anniversary concert ko next year, talagang magagalit ako. Ang tagal kong pinagplanuhan ito. Sana, pagbigyan ako,” sambit ni Ai-Ai.
In the past, naka-dalawang major concerts siya sa Folk Arts Theater at dalawa sa Araneta Coliseum. “Naaalala ko ang sarili ko noon kapag pinanonood ko si Anne Curtis. Tuwang-tuwa ako sa kanya. Noon, ako lang ang nagko-concert na sintunado ang boses. Parang si Anne ,di ba? (laughs).Wala pang teleprompter noon. Memorized ko ang lyrics ng mga kanta noon, pero nakakalimutan ko (laughs),” lahad ni Ai-Ai.