by Rowena Agilada
PAREHONG may isyu ngayon sina Nora Aunor at Governor Vilma Santos-Recto. Si Nora ay hindi nakasama sa listahan ng National Artists, samantalang si Gov. Vilma ay dahil sa ensaymadang ipinadala niya kay Kris Aquino na may kasamang note na may wrong spelling at maling grammar.
Dahil du’n, ang daming bashers ni Gov. Vi sa social media. Sa halip na mapikon, nagpasalamat pa ang Star for all Seasons at nag-sorry. Marami ang humanga sa pagpapakumbabang ’yun ng actress-politician.
Ang mga Noranians naman, gigil na gigil sa paglaglag kay La Aunor sa listahan ng National Artists. May kampong nagsusulong na kung hindi man siya maging National Artist, gusto nilang maging National People’s Artist ang superstar. Nangangalap sila ng isang milyong lagda para maigawad ang titulong ’yun kay La Aunor.
May kanya-kanyang opinion ang mga kasama ni La Aunor sa industriya at nagkakaisa silang karapat-dapat siyang maging National Artist dahil sa mga kontribusyon, karangalan at achievements niya bilang isang alagad ng sining. Anila, wala pa kahit sino’ng artista ang nakapantay o nakahigit sa track record ng isang Nora Aunor sa pagiging phenomenal superstar. Small but terrible.
Ayaw na pag-usapan
Mas gugustuhin pa ni Ai-Ai de las Alas mag-promote sa “Startalk” ng “Macho Gwapita” concert nila ni Rico J. Puno kesa sa “The Buzz.” Wish lang ni Ai-Ai na payagan siya ng ABS-CBN management.
Sa presscon ng kanilang concert, sinabihan ni Ai-Ai si Rico na ito na lang ang mag-promote sa “The Buzz.” Hanggang ngayon, malaki pa ang tampo (o galit) ni Ai-Ai kay Kris Aquino. Aniya, ayaw niya itong makita. Ayaw rin niyang pag-usapan si Kris at napipikon na raw siya.
Kahit super close pa si Ai-Ai kay Boy Abunda na amang ang tawag niya at kahit ito pa ang mag-iinterbyu sa kanya sa “The Buzz,” ayaw ni Ai-Ai. Ayaw rin niyang mag-promote sa “Abunda and Aquino Tonight” nina Boy at Kris. Mukhang matatagalan pa (o hindi na) magkakabati sina Kris at Ai-Ai.
Kung tama kami, nagtampo si Ai-Ai kay Kris noong hindi ito tumawag o nag-text ng pakikiramay noong namatay ang nanay ng komedyana. That time, nagbabakasyon abroad si Kris with her sons, Joshua and Bimby. In any case, sa July 26 ang “Macho Gwapita” concert nina Ai-Ai at Rico na gaganapin sa Solaire Resort & Casino.
Ayaw maging beauty queen
Acting-wise, mukhang nakakalamang si Lauren Young sa kapatid niyang si Megan Young, Miss World 2013. Ayon kay Lauren, talagang kinakarir niya ang acting dahil gusto niyang makilala bilang isang mahusay na artista. Wala siyang ambisyong maging beauty queen tulad ni Megan.
Napansin ang husay sa pag-arte ni Lauren sa mga teleseryeng ginawa niya sa GMA7, bida man o kontrabida ang role niya.
Sa isang episode ng “Magpakailanman,” gumanap si Lauren bilang isang cybersex worker. Akala niya, most daring role ever na niya ’yun. Hindi pala dahil sa episode na mapapanood ngayong Sabado, kakaibang role naman ang ipinagkatiwala ng GMA kay Lauren. Pinamagatang “The Jonalyn Bulado Story: Dalawang Kasarian,” gaganap si Lauren bilang isang hermaphrodite na ang ibig sabihin ay ipinanganak na may dalawang kasarian…babae at lalaki.
Naguluhan ang kanyang mga magulang kung palalakihin ba siyang lalaki o babae? Pinangalanan siyang Jonathan, pero noong nag-high school siya, babae na ang ginamit niyang pangalan. Alamin kung paano hinarap at tinanggap ni Jonalyn ang pagkakaroon niya ng dalawang kasarian. Tampok din sina Lovely Rivero, Rommel Padilla, Caridad Sanchez at Juancho Trivinio.