by Rowena Agilada
MAY kissing scene sana sina Janno Gibbs at Manilyn Reynes sa “My BFF” at ayon kay Manilyn, nanginig siya noong nabasa niya ang script. Ipinabasa niya rin ’yun sa asawa niyang si Aljon Jimenez. Sinabihan siya nitong nasa kanya ang desisyon kung papayag siya.
“Eh ever since, wala akong kissing scene sa TV o pelikula. Kinausap ko si Janno. Pareho pala kami ng naramdaman. Hindi rin siya komportable na magkaroon kami ng kissing scene sa “My BFF.” Nagpaka-gentleman naman siya (laughs),” ani Manilyn. Aniya pa, noon daw kabataan nila ni Janno, panay ang nakaw nito ng halik sa kanya. Iniyakan niya ’yun.
Si Aljon ang manager ni Manilyn, kaya tinanong namin siya kung kumukuha ba ito ng komisyon sa kanyang talent fee? “Ayaw niya. Never naging isyu sa amin ang pera. Bilang mag-asawa, we support each other. Di kami nagbibilangan kung sino ang mas malaking kumita,” wika ni Manilyn.
Ano naman ’yung isyu na diumano’y masama ang loob ni Daisy Romualdez kay Aljon dahil hindi sila nagkasundo sa TF niya (Manilyn)? Magpo-prodyus sana ng concert si Daisy na pagsasamahan nina Manilyn, Sheryl Cruz at Tina Paner.
“Naku, huwag na nating pag-usapan ’yan. Hindi na dapat pinalalaki ang ganyang isyu para wala nang intriga,” something to that effect na pahayag ni Manilyn. Well…
Di iboboto
Avid supporter ni President Noynoy Aquino si Irma Adlawan, pero aniya, na-frustrate siya nang ilaglag nito si Nora Aunor bilang National Artist. Ani Irma, Noranian siya at joke niya, baka raw Vilmanians ang advisers ni PNoy.
Nakausap namin si Irma at ibang entertainment writers sa taping ng “My BFF” at naitanong sa kanya ang tungkol sa hindi pagkasali ni Nora sa listahan ng National Artists.
Ayon kay Irma, matagal nang problema ng NCAA (National Commission for Culture and the Arts) at CCP (Cultural Center of the Philippines) ang paghirang sa National Artists. Ngayon lang daw nagkaroon ng matinding reaction dahil sangkot si Nora Aunor. Naging bahagi si Irma ng drama club ng CCP, kaya alam niya ang mga nagaganap. “Merong wala naman sa listahan, pero nanalo. Alam mong napulitika,” saad ni Irma.
Iboboto ba niya si Kris Aquino sakaling tumakbo ito for a government position sa 2016 elections? “Hindi!” mariing sagot ni Irma. “Kris is good where she is right now.”
Si Governor Vilma Santos-Recto, iboboto ba niya kapag kumandidato ito for a higher office? “Oo naman. As a public servant, marami siyang nagawa,” sambit ni Irma.
Siyanga pala, tomboyish ang role ni Irma sa “My BFF” at buddy-buddy o BFF niya rito si Pen Medina.
For president
Nakausap din namin si Pen Medina sa taping ng “My BFF” at aniya, dapat ay inaprubahan ni President Noynoy Aquino na maging National Artist si Nora Aunor. Sa pagkaalam niya (Pen), si Nora ang may pinakamataas na boto sa listahan ng mga pangalang isinumite ng NCCA at CCP kay President PNoy.
“Parang mali yata ang nakarating na impormasyon kay PNoy. Baka sa rami ng ginagawa niya, nag-rely na lang siya ron at naniwala siya. Sana, baguhin niya ang kanyang desisyon. Pero malabo ’yun,” lahad ni Pen.
Iboboto ba niya si Kris Aquino kapag kumandidato ito? “Kumporme sa ibang tatakbo. Dapat balanse lang. Ano bang makukuha natin? Ano bang malalaman natin?
Si Governor Vilma Santos-Recto, iboboto ba niya? “Kumporme rin sa makakalaban niya. Kung sino ’yung mas higit na makakapagbigay ng pag-asa sa pag-unlad ng ating bansa,” wika ni Pen.
Wala ba siyang balak mag-pulitika? “Kung tatakbo ako, gusto ko bilang presidente. Gusto kong baguhin ang pag-iisip ng mga tao tungkol sa pulitika. May mga pulitikong nawawala sa serbisyo matapos masangkot sa kung anu-ano’ng kontrobersiya. Pero may mga nakakabalik din matapos ang isyu. Ang mga Pinoy kasi, madaling makalimot, madaling magpatawad,” words to that effect na pahayag ni Pen.