MALAKI ang pananalig ni Christopher de Leon na gagaling ang anak nila ni Sandy Andolong na si Miguel. May testicular germ cancer ito at ayon kay Christopher, curable naman. “In God’s time, he’ll be okey,” aniya sa presscon ng Book 2 ng “Ikaw Lamang.”
Kinailangan niyang bumalik sa Pilipinas dahil may commitment siya sa ABS-CBN. Naiwan sa US ang wife niyang si Sandy para alagaan at bantayan ang anak nila. Naka-confine si Miguel sa California Pacific Hospital, na ayon kay Christopher, ay one of the best hospitals doon.
Nasa ICU (Intensive Care Unit) si Miguel. Nag-a-undergo rin siya ng chemotherapy. Bukod kay Sandy, ’andun din si Pinky de Leon (Christopher’s sister) at ang wife ni Miguel. Pangalawa si Miguel sa limang anak nina Christopher at Sandy. Ang panganay ay si Rafael Sandino, pangatlo si Gabriel, then Mariel at Michaela.
Parang anak
Magkasama sa Book 2 ng “Ikaw Lamang” sina Christopher de Leon at KC Concepcion. Ang una’y gumaganap bilang matandang Franco (played by Jake Cuenca sa Book 1 ng IL) at ang huli, Natalia na nakakatandang kapatid ni Andrea (Kim Chiu).
Ayon kay De Leon, off-camera, parang anak ang turing niya kay KC. All praises ang premyadong aktor kay KC sa ipinapakita nitong performance sa IL. Ibang-iba na raw ngayon si KC at seryoso na sa trabaho.
During his younger years, nakatrabaho ni Christopher si Sharon Cuneta, ang megastar mom ni KC, kaya parang anak na rin ang turing ni De Leon kay KC.
Nagpahayag naman si KC na masaya siyang katrabaho niya ngayon si Christopher na Tito Boyet ang tawag niya. Kontrabida ang role niya sa IL, pero ani KC, happy siya sa kanyang role dahil very interesting na gampanan ito. Hindi isyu sa kanya kung ma-typecast siya sa kontrabida role. Trabaho lang ’yun, aniya.
Natakot
First time ring magkatrabaho sina KC Concepcion at Coco Martin. Anang Kapamilya actor, excited siya, pero noong una’y natakot siyang katrabaho si KC. Hindi niya raw kasi alam kung paano ito katrabaho. At first, may ilang factor, ayon kay Coco.
“Masarap, magaan pala siyang katrabaho. Lumalabas siya sa kanyang tent at nakikipagkuwentuhan sa production staff. Inaalam niya kung ano o paano ang gagawin niya sa mga eksenang kukunan sa kanya. Willing siyang matuto at makinig sa mga sinasabi sa kanya. Hindi porke KC Concepcion siya o best actress. Very down-to-earth siya. Napakabait,” saad ni Coco.
“All good work si Coco,” sambit naman ni KC. “Sobrang maalaga siya sa co-workers niya at nakatutok sa mga eksena. Team player siya, inaangat niya lahat. Sobrang respeto ko sa kanya.”