NAGAMIT ni Rocco Nacino ang kaalaman niya sa mixed martial arts sa fight scenes niya sa “Ibong Adarna: The Pinoy Adventure.” Hindi nga lang naiwasang madisgrasya siya sa stunts na ginawa.
Sa isang eksenang tumalon siya, na-off balance siya, kaya nasugatan siya. May isang eksena rin na totoong sibat ang ginamit sa pagtugis sa kanya ng mga taong humahabol sa kanya, kaya nasugatan ang likod niya nang itusok sa kanya ‘yun.
Nakapagmura si direk Jun Urban dahil hindi niya alam na totoong sibat ‘yun na inakala niyang props lang. “Papatayin n’yo ba ang artista ko?” sigaw ni direk.
Hindi rin alam ni Rocco na totoong sibat ‘yun at naramdaman na lang niya na may dugong tumutulo sa likod niya.
Mababaw lang ang pagkatusok at agad namang nalapatan ‘yun ng lunas. Walang sinisi si Rocco, pero aniya, ang mommy niya ang labis na nag-alala noong nalaman nito ang nangyari sa kanya.
Showing sa Oct. 1 ang “Ibong Adarna: The Pinoy Adventure”. Tampok din sina Angel Aquino, Joel Torre, Benjie Paras, Leo Martinez, atbp.
Simula naman sa Sept. 22 ang bagong primetime series ni Rocco sa GMA-7, ang “Hiram na Alaala.” Kasama niya rito sina Dennis Trillo, Kris Bernal at Lauren Young Rocco plays Joseph na isang sundato.
Bawal interbyuhin
Imbiyerna ang media people na inimbita sa press visit ng isang pelikulang kasali sa 2014 Metro Manila Film Festival. Hinarang sila ng production staff at pinagbawalang interbyuhin si Daniel Padilla. Hindi alam ng press kung sino ang nag-utos na hindi pwedeng interbyuhin si Daniel.
“Ultramega superstar na ba si Daniel para harangin ang gustong mag-interbyu sa kanya? Bakit pa sila nag-imbita ng press kung ayaw pala nilang ipainterbyu si Daniel? Anong kadramahan ‘yun?” himutok ng isang reporter na nag-effort pumunta sa set ng MMFF entry ni Daniel.
Relaunch
Sa relaunch ng “Maynila,” ipinagmalaki ni direk Phil Noble na ito ang longest-running TV show ever. Sixteen years na ito sa ere at aniya, nawala na ‘yung ibang shows na katapat nila.
“‘Maynila’ is history in Philippine television. We’ve been through ups and downs. Para sa amin, hindi ito basta show o racket. Buhay na namin ito,” aniya.
Si former Manila mayor now Party List congressman Lito Atienza ang producer ng “Maynila,” at aniya happy at nagpapasalamat siya sa patuloy na pagsuporta ng mga tagasubaybay ng kanilang programa. Kahit saan daw siya magpunta here and abroad ay binabanggit sa kanya ang “Maynila.” Aniya, nakaka-relate kasi ang viewers sa mga istoryang itinatampok sa bawat episode. Tumatalakay ‘yun sa buhay at pag-ibig ng mga kabataan.
Sa relaunch ng “Maynila,” may bagong theme, “Maynila, Ang Kuwento Mo.” Magpo-focus ang kuwento sa buhay ng mga taong nakatira sa Manila na may kinalaman sa family problems, identity crises, trust issues sa mag-asawa at iba pang aspeto sa buhay. Sa bawat kuwento ay ipapakita ang Filipino values.
Napapanood ang “Maynila” tuwing Sabado, 10:30 a.m. sa GMA7.