HABANG sinusulat namin ang kolum na ito, tahimik pa rin si Ronnie Ricketts sa hamon ni Edu Manzano na mag-resign na siya bilang chairman ng Optical Media Board (OMB). Ayon kay Edu, overstaying na si Ricketts sa puwesto nito at last March this year pa dapat ito nag-resign.
Suspendido si Ricketts ng Sandiganbayan dahil sa isyung kinasangkutan niya noong 2010. Ayon sa lumabas na balita, diumano’y si Manzano ang nagsumbong sa Ombudsman.
Mariin namang pinabulaanan ito ng TV host-actor at aniya, wala siyang kinalaman sa suspension ni Ricketts.
May death threats kay Edu sa text messages na kanyang natatanggap. Pinagbibintangan niya ang kampo ni Ricketts. Kaugnay nito, wala pa ring pahayag ang huli.
Ipinagdiinan pa ni Manzano na hindi siya interesadong palitan si Ricketts sa puwesto nito bilang OMB chairman. Naging OMB chairman din noon si Edu. Kung tama kami, si Ricketts ang pumalit sa kanya.
Pinayuhan
Hindi pamilyar si Jeric Gonzales sa mga kanta ni Nora Aunor dahil hindi pa siya ipinapanganak noong kasikatan nito. Twenty years old lang ngayon si Jeric at 61 na ang superstar.
Magkasama sila sa pelikulang “Dementia” at ayon kay Jeric, naging nanay-nanayan niya si La Aunor during the shoot. Maalaga at maasikaso ito sa kanya.
Minsang breaktime nila, nilapitan niya si La Aunor na nagpapatugtog ng mga kanta niya. Tinanong daw niya ito kung sino ang kumakanta. “Ako,” sabi raw nito sa kanya.
Ayon pa sa Kapuso young actor, pinayuhan siya ni La Aunor na huwag siyang maging waldas sa pera. Naikuwento raw nito sa kanya ’yung pagiging waldas nito noon sa pera, kaya huwag raw niyang gagayahin ito.
Tila hindi pa rin naman yata natuto ang superstar. May tsikang diumano’y sobrang generous pa rin siya. Kapag may pera siya, namimigay siya sa kanyang co-workers, lalo na sa production staff.
Anyway, ang “Dementia” ay first movie directorial job ni Perci Intalan, dating TV5 executive at “spouse” ni direk Jun Lana. Invited ang naturang pelikula for competition sa 35th Fantasporo ng Oporto International Film Festival sa Portugal. Ang Regal Entertainment ang distributor ng “Dimentia.”
Mala-‘Indiana Jones’
Dedicated ni direk Jun Urbano sa late father niyang si Manuel Conde ang “Ibong Adarna: The Pinoy Adventure.” Ang yumao niyang ama ang creator ng “Ibong Adarna” na familiar sa mga nasa grade school, high school at maging sa college. Alamat ito tungkol sa isang magical bird na kumakanta.
Apat na beses na itong naisapelikula na tinampukan ng iba’t ibang artista. Pang-limang version na itong “Ibong Adarna: The Pinoy Adventure” na tinatampukan naman nina Rocco Nacino, Angel Aquino, Joel Torre, Benjie Paras, Leo Martinez, atbp.
Ayon kay direk Jun, P20 million ang production budget. Nag-location shoot sila sa Banaue Rice Terraces, Mt. Province, Calatagan, Batangas, San Pablo, Laguna at iba pang Northern provinces. Mistula nga raw nag-tour of Luzon sila.
Ipinagmamalaki ni direk Jun ang bonggang production set, design at costumes. Five months ginawa ang computer graphics. “Serious adventure movie ito na mala ‘Indiana Jones’,’ ani direk Jun.
Tinitiyak niyang sulit ang ibabayad ng mga manonood sa sinehan.
Ayon pa kay direk Jun, personal choice niya si Rocco Nacino para gumanap bilang Prinsipe Sigasig na siyang humanap sa ibong Adarna para sa ama niyang may sakit na si Sultan Mabait (Joel Torre). Showing ang pelikula sa Oct. 1.