TAMPU-tampuhan at hindi na rin masaya si Nora Aunor sa TV5,kaya hindi na siya magre-renew ng kanyang kontrata na matatapos sa October 29 this year. Three years ding naging Kapatid talent ang superstar.
Aniya sa presseon ng “Dementia,” wala pa namang offer mula sa ibang networks, kaya freelancer muna siya. Kahit wala pa siyang TV show, hataw naman si Guy sa paggawa ng indie films. Pagkatapos ng “Dementia,” gagawin ng superstar ang “Yolanda” na si Brillante Mendoza ang direktor. Tungkol sa mga biktima ng bagyong Yolanda ang istorya at sa Tacloban City ang location shoot nila.
Natapos na ni Guy ang dalawang indie films, “Padre de Familia” with Coco Martin at “Whistle Blower (Silbato)” with Angelica Panganiban na parehong dinirek ni Adolf Alix, Jr.
Horror movie ang “Dementia” na first directorial job ni Perci Intalan, dating TVS executive at boss ni Nora. Graded A ito ng Cinema Evaluation Board (CEB). Impressive ang ipinakitang trailer nito noong presscon na anang superstar, nahirapan siya sa role niya. Kaunti lang daw kasi ang dialogue niya. She plays Mara na may sakit na dementia (nakakalimot sa mga alaala). Kasama sa cast sina Yul Servo, Bing Loyzaga, Chynna Ortaleza, Jeric Gonzales, Jasmine Curtis-Smith, etc. Showing sa September 24 ang “Dementia” na ang Regal Entertainment ang distributor.
Paos pa rin
Paos pa rin at parang hirap magsalita si Nora Aunor. Aniya, itutuloy pa rin niya ang balak na pagdedemanda sa mga taong may kinalaman kung bakit nasira ang kanyang boses. Humahanap lang daw siya ng tiyempo.
Ayon pa sa superstar, kailangan na talaga ang throat operation sa kanya. ‘Yun lang ang paraan para maibalik sa dati ang kanyang boses. Nami-miss na niya ang pagkanta na hindi na niya magawa simula noong nagkadiperensiya ang lalamunan niya.
Paalis next month an superstar papuntang New York para tumanggap ng isang award. Pagkatapos, balak niyang tumuloy sa Boston, Massachussetts para sa kanyang throat surgery.
Kabado
Ayon kay Tom Rodriguez, kung hindi naging maganda ang takbo ng career niya noong lumipat siya sa GMA7, babalik na lang siya sa United States at doon na siya magtatrabaho. Naka-base sa Arizona, USA ang pamilya niya (parents at mga kapatid).
Bumongga ang career ni Tom noong gawin niya ang “My Husband’s Lover.” Aniya, nag-iipon siya ngayon para mabigyan ng sariling bahay ang parents niya. Gusto niyang dito na sa Pilipinas tumira ang mga ito para magkasama-sama na sila.
Pagkatapos, mag-iipon naman siya para sa sarili niyang bahay.
Extra challenge kay Tom ang bagong show niya sa GMA7, ang “Don’t Lose The Money.” First time siyang mag-ho-host ng isang game show na aniya, excited, kabado siya, at the same time, nage- enjoy siya. DLTM premieres on September 22, Monday to Friday bago mag-“The Ryzza Mae Show.”
Kumusta naman sila ni Carla Abellana? Ani Tom, nagpaparamdam pa lang siya at hindi pa siya nanliligaw sa dalaga. Thankful siya kay Carla sa suporta nito sa kanyang game show. Dumalaw ito sa taping ng DLTM. “She inspires me,” saad ni Tom.