ISANG mentally challenged 27-year-old ang karakter ni John Lloyd Cruz sa “The Trial”. Inakusahan siyang nang-rape ng grade school teacher.
Ayon kay JLC, matagal siyang naghintay na makaganap sa ganitong klaseng role. Aware siyang marami nang actor ang nakapag-portray ng isang may diperensiya sa pag-iisip at ayaw niyang maikumpara ang akting niya sa mga ito.
Ani JLC, kakaibang atake ang ginawa niya. Kumunsulta siya sa isang doktora at inalam niyang mabuti ang pag-uugali, pagsasalita at pagkilos ng isang pasyenteng may ganoong kundisyon.
Aniya pa, kakaibang experience ang nakatrabaho niya si direk Chito Roño sa pelikulang ito. “Kakaiba ang style niya. Hindi lang siya actor’s director. Importante na alam mo ’yung pinupuntahan mo bilang isang aktor. Ibang klase ’yung proseso niya at nalaman ko, may maibibigay pa pala ako.”
Big fan
Natupad ang ultimate dream ni Gretchen Barretto na makatrabaho si John Lloyd Cruz. Magkasama sila sa “The Trial” at ani Gretchen, noon pa niya inaasam-asam na makatrabaho ang Kapamilya actor.
“I’m a big fan of John Lloyd. Pinanonood ko ang mga pelikula niya. I’m very thankful to Star Cinema na isinama ako sa cast ng ‘The Trial’. Nakita ko kung paano magtrabaho si John Lloyd. Pagdating niya sa set, in character na siya,” ani Gretchen.
Kasama rin sa cast si Richard Gomez at third time nilang magkatrabaho ni Gretchen sa pelikula. Una sa “Paalam Bukas ang Kasal Ko” at pangalawa sa “Lumayo Ka Man sa Akin.” Kapwa bagets pa sila noon ni Richard at anang aktor, ang natatandaan niya’y si Gretchen ang pinakaseksing artista noong kapanahunan nila. Nakita niyang naka-two-piece swimwear ito.
They play husband and wife sa “The Trial” at ayon kay Gretchen, heaviest drama ever ito na nagawa niya. Isang developmental psychologist ang role niya, samantalang isang abugado naman si Richard.
Ayon kay Gretchen, noong una’y takot siya at kinabahan kay direk Chito Roño. “Mabait naman pala siya,” saad ng aktres. “Pag tatanga-tanga kang artista, matakot ka kay direk Chito,” sabi naman ni Goma.
Hindi choosy
Si Max Collins pa rin ang paboritong itanong kay Pancho Magno. Pero aniya, close friends lang sila ni Max at walang “something”.
He turned 27 on Oct. 2 at single pa rin siya, ayon kay Pancho. Plano niyang mag-asawa kapag 30 plus na siya.
Four years na siya sa showbiz at aniya, nagpapasalamat siyang napapansin ang kanyang acting. Nagkakaroon na siya ng sariling identity at unti-unti na siyang nakakawala sa anino ng kanyang mommy, Redgie Acuna-Magno, GMA executive.
Aniya, not because anak siya ng GMA executive ay kailangang mag-demand siya ng role na ibibigay sa kanya. “Hindi ako choosy. Kung ano’ng ibigay sa akin, tinatanggap ko. Natsa-challenge akong gampanan kahit ano pa ’yun,” he said.
Kargador sa palengke ang role ni Pancho sa “Ang Lihim ni Annasandra” (ALNA). Ka-love triangle siya nina Andrea Torres at Mikael Daez.
Expected na ni Pancho na may mangba-bash sa kanya na supporters ng tandem nina Andrea at Mikael. Handa naman siya, aniya. Off-camera, friends sila nina Andrea at Mikael, ayon kay Pancho.
Pilot telecast ngayong Lunes ng ALNA sa GMA Afternoon Prime. Tampok din sina Rochelle Pangilinan, Arthur Solinap, Gab de Leon, Emilio Garcia, Glydel Mercado, Isabel Lopez, Cris Villonco, Joyce Burton at Erika Padilla. Mula sa direksiyon ni Albert Langitan.