NAG-AUDITION si Kylie Padilla sa role niya bilang Leonor Rivera sa “Ilustrado.” Tatlo silang Kapuso stars na nag-audition pero tumanggi si Kylie pangalanan kung sino ang dalawang ’yun. She’s happy na siya ang napili.
Ani Kylie, kabaligtaran siya ni Leonor sa tunay na buhay. “Girl na girl magsalita at kumilos si Leonor. Eh, ako, tomboyish (laughs),” ani Kylie nang nakausap namin sa presscon ng “Ilustrado.” Dumating siya at ang ibang cast na naka-costume.
Ayon pa kay Kylie, nag-research siya at inalam niya talaga kung sino si Leonor Rivera. Pati ang kanyang papa Robin Padilla ay tinanong niya tungkol sa babaing ito na ayon sa mga historian ay true love ni Dr. Jose Rizal. Sa paggawa ni Kylie ng “Ilustrado,” nalaman niyang babaero pala ang ating Pambansang Bayani.
Kumusta naman katrabaho si Alden Richards? “Napaka-professional niya, gentleman at mapagmahal sa kanyang pamilya.”
What if, ligawan siya ni Alden? “Pareho kaming focused sa career namin. Ayoko munang isipin ang lovelife. Ayokong maging assuming na liligawan niya ako,” saad ni Kylie.
Aniya pa, nag-open up siya kay Alden tungkol sa pinagdaanan niyang heartbreak at pinayuhan siya nitong huwag masyadong dibdibin ’yon. Ani Kylie, ’andun pa rin ang sakit sa hiwalayan nila ni Aljur Abrenica. Pero wala na raw ’yung feelings na naramdaman niya noong sila pa. Owwsss??? Parang meron pa kaya?
Ayaw na
Ayon pa kay Kylie, tinangkang makipagbalikan sa kanya ni Aljur. Pero ayaw na niya. “Ayoko nang masaktan uli,” she said.
May communication pa rin sila hanggang ngayon at paminsan-minsan ay nagte-text sila sa isa’t isa. “Feeling ko kasi, magandang healing process ’yun. Pero parang hindi yata nakakatulong. Baka magkalapit uli kami. For now, mas gusto kong friends kami. May maganda naman kaming pinagsamahan.”
Aniya pa, nine months na silang break ni Aljur.
Okey ba sa kanyang makatrabaho sa isang project si Aljur? “Oo naman. Noon ko pa gustong makatrabaho siya. Maganda kung love story. Yun ang gusto ng fans, di ba? ’Yung may kilig moments.”
Kapuso Primetime Prince
Kapuso Primetime Prince ang pakilala kay Alden Richards sa presscon ng “Ilustrado.” Flattered at nakakataba raw ng puso, pero ayaw niyang isipin ang titulong ’yun.
Sobrang thankful siya sa GMA Network sa malaking tiwalang ibinibigay sa kanya, lalo na’t siya ang napili para gumanap bilang Dr. Jose Rizal.
Hindi siya nag-audition for his role, kaya isang malaking karangalan sa kanya ito, at the same time, sobrang flattered, excited at pressured siya. Aware siyang mga award-winning actors ang mga naunang gumanap bilang Dr. Jose Rizal tulad nina Albert Martinez, Cesar Montano at Joel Torre. Ani Alden, hindi maiiwasang ikumpara siya sa mga nabanggit na aktor, kaya may kaunting kaba at hamon sa kanya. He did his best para hindi mabigo ang expectations sa kanya ng GMA7.
Ang “Ilustrado” ay unang Bayaniserye na ipinagmamalaki ng direktor na si King Marc Baco na babago sa Philippine primetime sa telebisyon. Aniya, nag-level up na ang production value at gumamit siya ng Arri Alexa camera with high-end lenses at 3D visual effects technology.
Hatid ng GMA News and Public Affairs, ang 20-episode “Ilustrado” ay magtatampok sa journey ni Rizal mula noong bata pa siya hanggang napunta siya sa Europe para mag-aral. Mapapanood ito simula sa Oct. 20 pagkatapos ng “Hiram na Alaala” sa GMA Telebabad.
Tampok din sa “Ilustrado” sina Solenn Heussaff, Eula Valdez, Ricardo Cepeda, Jaclyn Jose, Marco Alcaraz, Polo Ravales, Lito Legaspi, Freddie Webb, Max Collins, JC Tiuseco, Lucho Ayala, among others.