HAPPY Birthday to Coco Martin na 33 years old na ngayong All Saints’ Day. Isang bonggang advance celebration ang ginanap noong Oct. 29 sa Cities Events Place malapit sa ABS-CBN.
Kung si Coco lang ang nasunod, ayaw niya ng birthday party dahil aniya, hindi siya sanay. Mas gusto niyang simple celebration lang kasama ang kanyang pamilya.
Ang manager niyang si Biboy Arboleda ang may gusto ng isang bonggang birthday celebration for him. Besides, ten years na si Coco sa showbiz at thanksgiving party na rin ’yun sa mga blessing na dumating sa Kapamilya actor.
Bonggang birthday cum thanksgiving party ang naganap na dinaluhan ng mga kaibigan, co-actors, fans ni Coco at entertainment press. Bongga ang food na inihanda at may live band pang kumanta.
Wala pang bagong TV series si Coco after “Ikaw Lamang.” Given a choice, gusto niyang pambata naman ang next project na ibibigay sa kanya.
Gusto niya ’yung malapit sa mga bata ang gagawin niya na medyo light lang ang tema. Nasagad daw kasi siya sa mga drama scenes sa “Ikaw Lamang.”
May entry si Coco sa 2014 Metro Manila Film Festival, ang “Feng Shui 2” with Kris Aquino.
Wala pa ring lovelife si Coco at aniya, darating ’yun sa tamang panahon. Career pa rin ang priority niya.
Restaurateur na rin
Payat-payatan ngayon si Paolo Bediones nang nakita namin sa kanyang restaurant, Puneta (pronounced as “punyeta”) Manila sa Liberty Center sa Shaw Boulevard, Mandaluyong City. South American dishes ang specialty nito.
Sa naturang restaurant ginanap ang presscon para sa mga natitirang racers sa “The Amazing Race Philippines 2,” hosted by Derek Ramsay. Weeknights itong napapanood sa TV5 at 9 p.m.
Ani Paolo, matapos pumutok ang kanyang sex video scandal, nag-focus siya sa pagma-manage ng itinayo niyang restaurant, kasosyo ang ilang kaibigan.
Aniya, bago pa sumabog ang scandal ay plano na talaga nilang magtayo ng restaurant. Recently ay nagkaroon sila ng soft opening. Doing good, doing great naman ito, ani Paolo.
Wala naman daw nabago matapos ang scandal. Mas naging maingat na raw siya ngayon sa mga taong pinagkakatiwalaan niya.
Aniya, may mga kaibigan pa rin siya. Andyan pa rin ang mga taong sumusuporta sa kanya.
“What happened to me was something na hindi na natin mababawi. We just need to learn from it,” he said.
Therapy para sa kanya ang itinayo niyang restaurant. Doon niya ibinubuhos ang kanyang energy. Ani Paolo, sa halip na magalit siya (dahil sa nangyaring iskandalo), inaasikaso na lang niya ang kanyang restaurant business.
Nakabalik na si Paolo sa news program ng TV5, ang “Aksyon TV”. Meron pa siyang “Rescue 5” at “Demolisyon.”
“I’m still blessed. Whatever comes, I’m very thankful,” sambit ni Paolo.
Walo na lang
Walong pares na lang ang natitirang racers sa “The Amazing Race Philippines (TARP) 2” na iniharap sa entertainment press.
Nangunguna pa rin sa karera ang Team Dating Couple na sina Matthew Edwards at Phoebe Walker. Pumapangalawa ang Team Magkapatid na sina Jet at Yna Cruz, third ang Team Nerds na sina Vincent Yu at Ed Manguan.
Pang-apat ang Team Chefs na sina Eji Estillore at Roch Hernandez. Pang-lima ang Team Blondies na sina Tina at Avy Wells. Sixth placer ang Team Mag-amang Aj at Jody Saliba.
Pang-pito ang Team Sexy Besties na sina RR Enriquez at Jeck Maierhofer. Nasa huling puwesto ang Mr. Pogi na sina Kelvin Engles at JP Duray.
Hanggang December pa ang airing ng TARP at sa finals night ihahayag ang mananalong team. Bukod sa R2-million cash prize, may dalawang house and lot na premyo mula sa RCD Royal Homes at dalawang KIA Sportage SUV’s.