NASAAN na kaya ngayon ’yung girl na kababayan ni Tom Rodriguez sa Catbalogan, Samar? Noong teenager pa si Tom ay hinarana niya ang girl, kasama ang best friend niyang si Jukjuk. Sinabuyan sila ng tubig ng girl at ipinagtabuyan pa.
Napanood namin ang re-enactment nu’n sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” kung saan itinampok ang homecoming ni Tom sa bayang sinilangan niya, 25 years ago. Tagaroon ang kanyang mommy at isang Amerikano naman ang kanyang daddy.
Sakaling napanood ’yun ng girl, hindi kaya siya nagsisisi sa ginawa niya noon kay Tom? Sikat na ngayon ang dati niyang manliligaw na Tommy kung tawagin ng best friend nitong si Jukjuk. Alberto Bartolome Mott ang real name ni Tom.
Pinuntahan din ni Tom ang clinic kung saan sabay silang nagpatuli ng kanyang best friend, ang paboritong kinakainan nila ng halo-halo, ang simbahan, park at ang kanyang alma mater, St. Mary’s College. Tuwang-tuwa at sobrang proud kay Tom ang mga teacher niya noon. Kinantahan pa niya ang mga estudyante na kilig na kilig sa kanya.
Si Jukjuk ang nagturo kay Tom tumugtog ng gitara, kaya bilang pasalubong, binigyan niya ito ng gitara. Sa kanyang Instagram account, pinasalamatan ni Tom si Jessica Soho at ang buong team ng KJSH sa homecoming niya sa Catbalogan Samar. Ang tagal kasing hindi nakabalik doon ng Kapuso hunk dahil sa sobrang busy niya sa trabaho.
This Friday, may TomCar Celebrity Ukay-Ukay sina Tom at Carla Abellana na gaganapin sa Noel Bazaar World Trade Center Pasay City. Nov. 14, 16, 21, 23, 28 at 30 ito na magsisimula at 11 a.m. hanggang 9 p.m. Ang malilikom na pondo ay ilalaan sa Kapuso School Development (KSD) project, Unang Hakbang sa Kinabukasan (UHSK) project, Give a Gift: Alay sa Batang Pinoy Christmas project.
Sa kanyang Instagram account, pinasalamatan ni Carla ang mga kapuwa Kapuso stars na nag-donate ng kanilang mga lumang damit, sapatos, bags at iba’t ibang stuff. Patuloy pa rin ang pagtanggap nila ng mga donation at nawa’y suportahan ang TomCar Celebrity Ukay-Ukay ng Kapuso Foundation.
Grand reunion
Sa Linggo (Nov. 16) gaganapin ang reunion ng mga artista noong Dekada ’50, ’60 at ’70 sa Sampaguita Gardens Events Place. Ideya ni former president, now Manila mayor Joseph “Erap” Estrada ang magkaroon sila ng grand reunion at sila ni Manay Ichu Maceda ang punong-abala sa natatanging okasyon.
Strictly invitational ang gaganaping affair, ayon kay German Moreno. For sure, ang daming throwback moments ang magaganap. May patalbugan kayang maganap sa mga oldies but goodies stars of yesteryears?
Ibinalita naman ni kuya Germs na sa Dec. 1 ay 23 names ang idadagdag niya sa Walk of Fame, Eastwood Libis, QC. Kabilang dito sina direk Joel Lamangan, Daisy Romualdez, Tony Ferrer, Liza Macuja-Elizalde, Willie Revillame, Dante Rivero, Jaya, Allan K., Chanda Romero, Cory Quirino, Aiko Melendez, Vice Ganda, Angel Aquino, Sylvia Sanchez, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Carmi Martin, Lito Legaspi, Tom Rodriguez, Angelito Nepomuceno, Jestoni Alarcon, Evangeline Pascual at Luis Gabriel Moreno (apo ni kuya Germs). May mag-emote kaya sa mga artistang hindi kasama sa listahan?
Sayang!
Marami ang nanghinayang sa naudlot na pagsasama nina Jericho Rosales at John Lloyd Cruz sa isang bagong teleserye ng ABS-CBN. Tinanggihan kasi ni John Lloyd ang project. Kung tinanggap lang niya, magkakasubukan kung sino talaga sa kanila ni Jericho ang mas magaling umarte.
Ang ganda at ang sarap sanang panoorin ang dalawang de-kalibreng aktor, lalo na kung may confrontation scenes sila.
Si Xian Lim ang ipinalit kay JLC. Tanong ng fans, makakaya raw ba kaya ni Xian gampanan ang role originally for John Lloyd? Makasabay raw kaya si Xian kay Jericho sa aktingan? Well…