TIMING sa 50th birthday ni Ai-Ai delas Alas ang presscon ng “Past Tense” noong Nov. 11. Bago sinimulan ang presscon proper ay nagpakita muna ng video greetings mula sa ilang Kapamilya stars, kaya maluha-luha si Ai-Ai.
Aniya, wala na siyang mahihiling pa, kundi pasasalamat na lang sa mga dumating sa buhay niya…blessings, pagsubok, sakit na pinagdaanan na nakayanan naman niyang harapin. Mas matatag na raw siya ngayon at kahit ano pang unos at bagyong dumating sa buhay niya’y kakayanin niya.
Obvious sa magandang aura ni Ai-Ai na masaya at kuntento siya ngayon sa kanyang personal life. Aniya, chill lang siya ngayon at enjoy-enjoy na lang siya.
Kung meron siyang gustong tuldukan sa kanyang past ay ’yung nagpakasal siya na 29 days lang tumagal.
Wish lang niyang tumagal ng 29 years or more ang relasyon niya ngayon sa kanyang boyfriend na 30 years younger sa kanya. Aniya, despite their age gap ay nagkakasundo sila sa maraming bagay.
Nagkimkim ng galit
Mukhang good mood si Kim Chiu na kasama ni Ai-Ai delas Alas sa “Past Tense.” Panay ang hagikgik ng tsinitang aktres at hindi kinakitaan ng pagkairita nang tanungin kung saan nakalagay sa puso niya ngayon si Xian Lim na katrabaho niyang muli sa “Past Tense.”
Una silang nagtambal sa “Bride for Rent” at noong presscon nito’y nagmaldita si Kim nang tanungin tungkol sa estado ng relasyon nila ni Xian.
Ani Kim sa presscon ng “Past Tense,” nasa present at future tense niya si Xian. Pero ayaw niyang mag-expect kung ano’ng mangyayari sa future.
“Basta masaya lang ako kung ano’ng meron kami ngayon. Kung ano’ng nangyayari, I nurture, nourish, and treasure. O, di ba? (laughs),” saad ni Kim.
Asked kung ano ang gusto niyang tuldukan sa kanyang past, ani Kim, ’yung naging relasyon niya noon sa kanyang papa at mama. Nagkimkim siya ng galit sa mga ito. Maraming taon na hindi sila okey ng papa niya.
“Hindi ko sila pinahalagahan noon. Maraming nasayang na taon at sana, nagkaroon ako noon ng father figure,” lahad ni Kim.
Okey na sila ngayon ng papa niya, ayon kay Kim. Bonding-bonding na sila, making up for lost time.
Binu-bully
Much closer and more comfortable na sila ngayon ni Kim Chiu sa isa’t isa, ayon kay Xian Lim. Aniya pa, nasa present si Kim sa puso niya at nakikita niya ang kanyang future with her. Hindi kaya, pang-promo lang ang sinabi ni Xian? Whatever! Basta kilig much ang fans nila ni Kim na ’andoon din sa presscon.
Tinanong din si Xian kung ano ang gusto niyang tuldukan sa kanyang nakaraan. Aniya, noong high school siya dahil parati siyang binu-bully ng mga classmate niya. Bagong lipat kasi siya ng school dahil galing siya sa United States. Hindi siya maka-relate sa mga kaklase niya, kaya marami ang ayaw sa kanya.
“I felt so very alone and lonely. I was so shy then. Hindi ko alam paano makihalubilo,” ani Xian.
Mataba ang character niya sa “Past Tense,” kaya naka-fat suit siya. Hirap, pero tiniis niya ang mahabang oras na naka-fat suit siya sa set. Nate-turn off nga si Kim kapag nakikita niya si Xian at sinabihan niya ito na huwag magpapataba.
Ang “Past Tense” ay tungkol sa mga consequence, mga pagbabago at mga pagkakataong dapat ibigay ng mga tao base sa mga desisyon na ginagawa nila sa kanilang mga buhay.
Directed by Mae Cruz-Alviar, pre-Christmas offering ito ng Star Cinema at bahagi pa rin ng 20th anniversary nito. Showing ito on Nov. 26 sa mga sinehan nationwide.