UPORTADO ni Mother Lily Monteverde ang gaganaping “Ala Eh! Festival 2014” sa Taal, Batangas sa pamumuno ni Governor Vilma Santos-Recto. In line ito sa celebration ng 433rd Founding Anniversary ng Batangas. Gaganapin ang festival simula sa Dec. 1 hanggang Dec. 8. Week-long activities ito na gaganapin sa harap ng Basilica Church sa Taal.
May Agri/Trade Fair, Mutya ng Taal, Mutya ng Batangas, Street Party, Voices, Songs & Rhythm grand finals, float parade at festival dance competition.
Hindi lang nagpa-presscon si Mother Lily para sa gaganaping festival, nagbigay rin siya ng belated birthday blowout para kay Gov. Vi na ginanap sa Valencia Homes ng Regal Matriarch.
“I’m very thankful to Mother Lily sa suporta niya sa “Ala Eh! Festival.” She will always be a dear friend. Hindi ko na kailangang magsabi sa kanya kung ano’ng pwede niyang maitulong sa Batangas,” lahad ni Gov. Vi.
Luis for mayor?
Sa naturang presscon, naitanong kay Gov. Vi kung ano’ng plano niya sa 2016 elections. Aniya, she may or she may not run. Last term na niya bilang governor at aniya, 18 years na siyang naglilingkod as public servant. Nine years siyang naging mayor ng Lipa at nine years bilang governor.
May mga kumakausap raw sa kanyang bumalik siya sa Lipa para pagsilbihan silang muli. “Hindi ganoong kadali mag-commit. Kailangang pag-aralan muli,” ani Gov. Vi.
Totoo bang kakandidatong mayor ng Lipa ang anak niyang si Luis Manzano? Ani Gov. Vi, hindi niya ito ini-encourage.
“I always tell my son, hindi madali sa pulitika. Ayoko siyang mahirapan. Gusto kong protektahan ang anak ko. Pag hindi niya kaya at kung mapipilitan lang siya, huwag na lang,” saad ni Gov. Vi.
Aniya pa, malaki ang kinikita ni Luis sa showbiz. Pero iba raw ang fulfillment bilang isang public servant like her.
“Priceless ’yung pinagkakatiwalaan ka ng constituents mo. Kung talagang gusto ni Luis mag-pulitika, pag-aaralin ko siya (Public Governance) tulad ng ginawa sa akin ni Ralph (her husband Senator Ralph Recto).”
Gusto nang magka-apo
Gusto ba niyang sa Batangas din magpakasal sina Luis at Angel Locsin, gaya nila ni Senator Ralph? “Better kung sa Taal. Doon kami ikinasal ni Ralph at 28 years na kaming together.
“Desisyon nila ni Angel kung saan nila gustong magpakasal. Excited na nga ako. Luis is 32 years old at sinasabi ko sa kanya pag nagdi-dinner kami with Angel, ‘Anak sige na. Gusto ko nang makakita ng baby. Excited na akong magka-apo.’”
Naibalita rin ni Gov. Vi na hopefully sa January next year magsisimula ang shooting ng pelikulang pagsasamahan nila ni Angel. Supposedly, may test shot sila ngayong November, pero nagkasakit siya (Gov. Vi). Humina ang kanyang immune system dahil sa sobrang stress at pagod sa trabaho.
Ani Gov. Vi, nag-trigger ang stress niya noong namatay ang close friend confidante cum personal secretary niyang si Aida Fandialan. Sobrang affected siya na hindi niya nakayang tingnan ang labi ni Aida noong nakaburol hanggang nailibing ito. Na-miss nga ng movie press si Aida noong presscon ng “Ala Eh! Festival”. Naging malapit din siya sa press.
Itinanggi naman ni Gov. Vi na inisnab niya ang Senior Prom, organized by former president now Manila Mayor Joseph Estrada and Manay Ichu Vera-Perez-Maceda. Ani Gov. Vi, nakagat ng insekto ang kanyang ilong at naka-schedule siyang magpa-laser ng kanyang ilong that day. Kinagabihan ’yung event at hindi siya pwedeng lagyan ng make-up o ng kahit ano. Ani Gov. Vi, nagkausap sila ni Manay Ichu at ipinaliwanag niya kung bakit hindi siya makakarating sa Senior Prom. So, there!