TRUE friend talaga si John Lloyd Cruz. Pinutol niya ang bakasyon niya sa US with Angelica Panganiban para makadalo sa kasal ni Joross Gamboa. Abay si JLC sa Christian wedding nina Joross at Katz Saga na ginanap sa Fernbrook Gardens, Las Piñas last Nov. 29.
Ngayong balik-Pilipinas na si JLC, inaabangan kung pipirma ba uli siya ng kontrata sa ABS-CBN. ’Heard, nakapagdesisyon na diumano ang aktor at mananatili itong Kapamilya. Tila naayos na raw kung anuman ang dapat ayusin para sa renewal of contract ni JLC. Abang-abang na lang sa formal announcement ng Kapamilya Network.
Taklesa
Taklesa rin si Isabelle Daza nang sabihin niya on air na maraming matatangkad na aktor sa ABS-CBN ang gusto niyang makatrabaho. Marami raw siyang mapagpipilian tulad nina John Lloyd Cruz, Luis Manzano at Vhong Navarro.
Si Dingdong Dantes ang agad naisip naming matangkad sa GMA Prime Actors. Si Richard Gutierrez din sana kung nag-renew lang siya ng kanyang kontrata.
Matatangkad din sina Tom Rodriguez, Mikael Daez, Dion Ignacio, Mike Tan at Christian Bautista. Hindi nga lang sila ka-level ni Dingdong. Bagets naman sina Andre Paras, Derrick Monasterio at Elmo Magalona na hindi bagay itambal kay Isabelle.
Ang ibang Kapuso leading men na hindi katangkaran, subalit mahuhusay namang umarte ay sina Dennis Trillo, Alden Richards at Rocco Nacino. Wala namang sobrang tangkad sa Kapuso leading ladies, kaya hindi mahirap ihanap ng itatambal sa mga ito.
Fans, imbitado sa ‘royal wedding’
Sobrang pinapahalagahan talaga nina Dingdong Dantes at Marian Rivera ang kanilang fans, kaya gusto nilang makapiling ang mga ito sa kanilang wedding day on Dec. 30.
Gusto ng ‘Royal Couple’ na maging bahagi ng kanilang big event ang fans nila, kaya sa isang malaking venue gaganapin ang kanilang wedding reception. Diumano, sa SM Mall of Asia (MOA) Arena para ma-accomodate ang lahat ng invited guests, kasama na rito ang fans.
Ayon kina Dingdong at Marian, malaking bahagi sa kanilang buhay ang mga tagahanga nila dahil kung hindi sa suporta ng mga ito, hindi nila mararating ang tinatamasa nilang tagumpay bilang mga artista.
Nakakabilib talaga sina Dingdong at Marian. ’Yung ibang celebrities na ikinasal at ikakasal, echa puwera ang fans para maiwasan ang ingay at gulo. Ang tanong, open kaya ang wedding reception sa lahat ng fans nina Dingdong at Marian? O, limitado lang para sa mga fans club na ’yung kilala lang nila ang mga miyembro? Paano ’yung mga walang kinasasanibang fans club? Pwede rin kayang pumunta?
Animated film
Wagi sa 2014 Mill Valley Film Festival Audience Awards ang “Minuscule Valley of the Lost Ants” bilang Best Children’s Feature Film. Nominated naman ito for Best Animated Film sa 2014 87th Oscar Awards at sa tatlo pang film festivals – Cristal Best Feature Award sa 2014 Annecy International Animated Film Festival, Best Animated Feature Film sa 2014 European Film Awards at Best Children’s Film sa 2013 Tallinn Black Nights Film Festival Awards.
Directed by Thomas Szabo and Helene Giraud, ang “Minuscule Valley of the Lost Ants” ay tungkol sa tunggalian ng dalawang tribu ng mga langgam – Tribung Itim at Tribung Pula. Nag-ugat ang digmaan sa tira-tirang pagkain sa isang picnic ground.
Kahanga-hanga at tiyak magugustuhan ng mga manonood, lalo na ng mga bata ang animated film na ito na ginamitan ng CGI (Computer Generated Image). Pre-Christmas treat ito ng Solar Pictures, Inc. na showing today sa mga sinehan nationwide.