REPRESENTED ng tatlong network talents ang “#Y” na iri-release ng Star Cinema sa mainstream theaters simula sa Dec. 10. Sila’y sina Coleen Garcia at Slater Young mula sa ABS-CBN, Sophie Albert (TV5), Elmo Magalona at Chynna Ortaleza (GMA7). Kasama rin si Kit Thompson na ewan kung tagasaang network.
Ayon sa direktor na si Gino Santos, sinadya niyang pagsama-samahin ang mga nabanggit na kabataang artista sa isang pelikula na ayaw niyang isiping may kani-kanilang home studios. Tungkol sa mga adventure ng mayayamang kabataan ang tema ng “#Y” na ipinalabas sa nakaraang Cinemalaya X Film Festival.
Wild
Ayon sa mga nakapanood nito, maganda ang performance ni Coleen Garcia na gumanap bilang isang wild teenager. Aniya sa presscon, kinabahan at nag-alala siya sa kanyang role at sa magiging feedback nito.
“In real life, free-spirited ako. Pero alam ko ang limitations ko. In this movie, all-out wild ang character ko,” saad ni Coleen.
Aniya pa, ten years old pa lang siya’y magkaibigan na sila ni direk Gino. Halos magka-edad sila ng bagets-looking director, kaya ani Coleen, sobrang gaan itong katrabaho.
“Sobrang saya sa set. He gives us freedom on what to do sa character namin. He has a creative mind. Parang naglalaro lang kami sa set. Parang gumagawa lang kami ng school project,” wika ni Coleen.
Napanood ng boyfriend niyang si Billy Crawford ang “#Y” noong premiere night nito at ani Coleen, sobrang saya si Billy at proud of her. “Pati daddy ko, he’s happy for me.”
First time
Sobrang thankful si Elmo Magalona sa GMA na pinayagan siyang gawin ang “#Y”. Naka-relate siya sa kanyang character dahil may mga kaibigan daw siyang may kanya-kanyang problema. He had fun working with direk Gino na very cool at parang barkada lang sila pag nasa set.
Ano naman ang pakiramdam niya sa pagtuntong niya sa ABS-CBN? “Masaya!” nakangiting sagot ni Elmo.
“Masaya!” ang sabi rin ni Chynna Ortaleza na first time ring nakapunta sa Kapamilya Network. “It’s a new experience,” sambit ni Chynna.
Nag-audition siya for her role in “#Y” at thankful siyang tinawagan agad siya ni direk Gino at sinabing kasama siya sa cast. “It’s a nice experience working with him. Magaan siyang katrabaho. Someday, gusto ko ring magdirek,” wika ni Chynna.
Kaunti lang
“Ang daming tao. Sa amin, kaunti lang,” sambit naman ni Sophie Albert. Nasanay raw kasi siyang kapag nagpe-presscon siya sa TV5 ay hindi karamihan ang nakikita niya. Baka pocket presscon lang, kaya kaunti? Whatever!
Ani Sophie, hindi niya first time nakapasok sa ABS-CBN dahil nag-workshop siya noon. Tita niya si Kris Aquino. Mag-pinsan ito and her dad.
Kahit influential at powerful ang kanyang tita Kris, gusto ni Sophie to make it on her own. Thankful siya sa TV5 na hindi siya pinababayaan at binibigyan siya ng magagandang project.
New Year’s countdown
Nauna ang TV5 magbigay ng Christmas party for the press last Dec. 3 na ginanap sa Centris Elements, EDSA. Host si Ogie Alcasid at dumalo rin ang ilang Kapatid stars na sina Ritz Azul, Mark Newman, Akihiro Blanco, Juan Direction, Marvelous, The Amazing Race Philippines 2 contestants, among others.
Ipinahayag ni Ms. Peachy Guioguio, head ng PR Department ng TV5, na magkakaroon ng New Year’s Countdown on Dec. 31 na gaganapin sa Quezon City Memorial Circle. Tatampukan ito ng mga Kapatid stars.