NO show si Tom Rodriguez sa presscon ng “English Only, Please,” pero present siya sa presscon ng “The Amazing Praybeyt Benjamin (TAPB).” Parehong entries sa 2014 Metro Manila Film Festival ang dalawang pelikula.
Ani Tom, maikli lang kasi ang exposure niya sa “English Only, Please,” as in parang dumaan lang siya. Sa TAPB ay mahaba ang exposure niya.
Happy si Tom sa muling pagtungtong niya sa ABS-CBN para sa presscon nito. For the second time, nagkatrabaho sila ni Vice Ganda. Una silang nagkasama sa “Petrang Kabayo” na launching movie nito.
Sabi ni Vice, kinailangan nila ng guwapong kontrabida sa TAPB, kaya kinuha nila si Tom. “Bakeet, wala bang ibang guwapong Kapamilya actor na pwedeng magkontrabida kay Vice?” pagmamaasim ng katabi naming reporter sa presscon.
In any case, sabi ni Tom, nag-enjoy siya working again with Vice. Hind isyu sa kanya kung kontrabida siya.
Ayon naman kay Vice, sobrang nag-enjoy siya sa fight scenes nila ni Tom, lalo na kapag nadidikit ang dibdib nito sa kanyang katawan. Ang bango-bango rin daw ng hininga ni Tom. May elya (lust) factor siya sa hunk actor, kilig-kiligang wika ni Vice.
Komedyante rin pala
Super special kay Vice Ganda itong second installment ng “Praybeyt Benjamin” dahil aniya, bukod sa fight scenes nila ni Tom Rodriguez, first time niyang katrabaho sina Richard “Ser Chief” at “Papa Chen” Yap at Alex Gonzaga. May eksena pa na naghubad si Richard, kaya quotang-quota siya, ani Vice.
Bumilib siya sa talento nito sa pagpapapatawa. Carry daw pala ni Richard mag-comedy. Sinang-ayunan ito ni direk Wenn Deramas. Aniya, nakakagulat si Richard. Nakakatawa raw pala ito pag nagdyo-joke na.
Ang impression kasi kay Richard ay seryoso at hindi palangiti. Pero dito sa “The Amazing Praybeyt Benjamin” ay nailabas ni Richard ang talento sa comedy.
“Si Alex, magaling siya. Nagkakaroon ng moment ang pelikula,” sambit ni Vice. Aniya pa, hindi siya kinakabahan sa ibang MMFF entries. Confident siyang malakas ang laban ng pelikula nila at kine-claim niyang aabot sa P600 million ang kikitain nito sa box office.
Nagka-“something” noon
Dalawa ang festival entries ni Kean Cipriano sa 2014 Metro Manila Film Festival. Kasali siya sa “English Only, Please” ng Quantum Films with Derek Ramsay and Jennylyn Mercado at “The Amazing Praybeyt Benjamin.”
Ang sipag niyang dumalo sa presscon. Nauna ang “English Only, Please.” Pansin lang ng entertainment writers, bakit daw parating naka-shades si Kean kapag uma-attend ng presscon? Isipin na lang kaya nating style niya ’yun. Wala naman kasing diperensiya ang mga mata ni Kean para itago sa kanyang shades tulad ni Randy Santiago. Mag-name drop ba?
Na-link noon si Kean kay Alex Gonzaga. May nagtsika sa amin na nagkaroon sila ng “something.” Naudlot lang dahil diumano’y tutol ang mommy Pinty ni Alex. Diumano’y hindi ito boto kay Kean.
Sayang at hindi natanong sina Kean at Alex noong presscon ng “The Amazing Praybeyt Benjamin” tungkol sa naging “something” nila.
May nakapagtsika naman sa amin na malakas ang attraction ni Jennylyn Mercado kay Kean. Ex-boyfriend ni Jen ang role ni Kean sa “English Only, Please.” Gandang-ganda si Kean sa face ni Jen at seksing-seksing siya sa katawan nito. Hot mama nga ang Kapuso actress.
Parehong singer at music lovers sina Kean at Jen. Ano’ng malay natin, kung magpupursue si Kean, mag-swak sila ni Jen? Pangunahan ba?