KAHIT may bagyong Ruby, successful ang opening ng Quezon City International Pink Film Festival (QCIPFF) na ginanap sa Trinoma Activity Center noong Lunes (Dec. 8). Dumalo si Mayor Herbert Bautista at ang mga konsehal ng Kyusi tulad nina Roderick Paulate, Precious Hipolito, among others.
’Andun din ang ibang foreign producers mula sa Germany at Korea. Nagkaroon ng mini-show na ang performers ay si Sam Concepcion at ang grupo mula sa Club Mwah.
Ongoing ang QCIPFF kung saan LGBT films ang napapanood sa Trinoma Cinemas hanggang Dec. 16. Bukod sa full-length movies (foreign and local), may short films at documentaries din.
On Saturday (Dec. 13), magkakaroon ng LGBT Pride March along Tomas Morato Avenue na iikot sa iba’t ibang kalye at magtatapos sa Quezon Memorial Circle. Meron ding Rainbow Awards, Float Competition, at Diversity Fashion Show.
Mas bongga
Today ang presscon ng “Kubot: The Aswang Chronicles 2” sa GMA7 Studio at inaabangan kung dadalo si Isabelle Daza. Lumipat na kasi siya sa ABS-CBN.
Entry ito ng GMA Films sa 2014 Metro Manila Film Festival na pinagbibidahan ni Dingdong Dantes na co-producer sa naturang movie. Nagkaroon ng isyu dahil nag-back out si Lovi Poe na kasama sa part one ng movie. Isang newbie ang ipinalit sa kanya.
Sa isang interbyu kay Dingdong, sinabi niyang mas maganda, mas exciting ang part two ng “Kubot: The Aswang Chronicles.” Aniya, mas bongga ang special effects at production design.
May festival entry din ang fiancée ni Dingdong na si Marian Rivera. Kasama ito sa “My Big Bossing” na pinagbibidahan naman ni Vic Sotto. Ayon sa Kapuso Primetime King, hindi nila iniisip ni Marian na magkalaban ang mga pelikula nila. Nagsusuportahan pa nga sila at wish nilang parehong kumita sa takilya ang mga ito.
Youngest producer
Si Bimby Yap ang masasabing youngest producer sa 2014 Metro Manila Film Festival. Kasosyo ang bagets sa “The Amazing Praybeyt Benjamin,” na pinagbibidahan ni Vice Ganda, kasama sina Richard Yap, Alex Gonzaga, Tom Rodriguez, Eddie Garcia, among others under Star Cinema. Si Bimby ang gumaganap na anak ni Richard at may special participation si Kris Aquino.
Sayang at no show si Bimby sa presscon ng TAPB. Marami sanang itatanong kay Bimby gaya ng working experience niya with Vice Ganda at ano’ng masasabi niyang magkalaban ang mga pelikula nila ni Ryzza Mae Dizon. Tampok si Aling Maliit sa “My Big Bossing” na si Alonzo Muhlach ang kasama nito.
Maganda rin sanang itanong kay Bimby kung ano’ng masasabi niya tungkol kay Alonzo? Kung threat ba ito sa kanya? Maganda rin sanang tanungin si Bimby tungkol sa kanyang mama Kris at papa James Yap.
Producer din
Kung producer si Bimby Yap sa “The Amazing Praybeyt Benjamin,” producer naman ang kanyang mama Kris Aquino sa “Feng Shui 2,” entry ng Star Cinema sa 2014 Metro Manila Film Festival. Mag-inang producers, di ba naman? Bukod kay Kris, kasosyo rin sina Coco Martin at direk Chito Roño sa “Feng Shui 2.”
Mas bongga, mas scary ito ngayon. Nag-additional shooting days pa ang Star Cinema para mas mapaganda at madagdagan ang takot factor sa mga eksena.