WALANG kaibigan, walang kamag-anak, talo-talo ang mga artistang may kanya-kanyang festival entries sa 2014 Metro Manila Film Festival. Ang mag-inang Kris Aquino at Bimby Yap ay magkalaban ang mga pelikula, “Feng Shui” kay Kris at “The Amazing Praybeyt Benjamin” ang kay Bimby. Bida rito si Vice Ganda na kaibigan naman ni Kris.
Magkalaban ang mga pelikula ng mag-inang Mother Lily at Dondon Monteverde. “Shake, Rattle & Roll XV” ang kay Mother Lily under Regal Entertainment at “Kubot: The Aswang Chronicles” ang kay Dondon under Reality Entertainment.
Ang soon-to-be husband-and-wife na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera ay di naiiba. “Kubot: The Aswang Chronicles” ang pelikula ni Dingdong at “My Big Bossing” naman ang kay Marian.
Magkalaban din ang mga pelikula ng dating magka-relasyon na sina Kris Aquino at Robin Padilla. Bida ang huli sa “Bonifacio: Ang Unang Pangulo.”
Kasali rin sa MMFF ang “English Only, Please” nina Derek Ramsay at Jennylyn Mercado.
Walang kaingay-ingay at hindi pa nagpaparamdam ang “Magnum.357” ni Jorge “ER” Ejercito. As of this writing (Dec. 16), wala pang nakaiskedyul na presscon. ’Yung mga nakaraang festival entries ni former Laguna Governor (“Emilio Aguinaldo” at “Boy Golden: Asiong Salonga”) ay bongga ang presscon cum Christmas party for the press.
Di naghahangad kumita
Period movie ang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” at ayon kay Robin Padilla, umabot sa P90-million ang production budget nito. Hindi siya naghahangad na kumita ang pelikula dahil aniya, gusto niyang maging medium ito para mabigyan ng kaliwanagan ang sambayanang Pilipino, lalo na ang mga kabataan, sa katotohanan tungkol kay Andres Bonifaco.
Para kay Robin, si Bonifacio ang pinakamatinding bayani ng ating bansa. Utang daw natin sa huli ang ating kalayaan. Ayon pa kay Robin, nasa Spain siya noon nang tawagan siya ng direktor na si Enjo William at sabihing gumawa sila ng pelikula tungkol kay Andres Bonifacio.
Nag-research ang production team nila tungkol kay Bonifacio hanggang kaliit-liitang detalye at nagkaroon sila ng series of production meetings. Four months ang post-production at nagpunta pa sa New York ang scorer para mag-observe ng scoring na gagamitin sa pelikula.
Si Vina Morales ang gaganap bilang asawa ni Robin sa pelikula. Mismong si Mariel Rodriguez ang nag-suggest na si Vina ang kunin nila. Co-producer kasi si Robin sa “Bonifacio.” Tampok din sina Jasmine Smith, Daniel Padilla, Manila Vice Mayor Isko Moreno, Rommel Padilla, RJ Padilla, Eddie Garcia, Pen Medina at Richard Quan. May guest appearances sina Jericho Rosales, Isabel Oli, atbp.
‘Kaaliw!
Masaya, ’kaaliw ang Christmas party for the press ng ABS-CBN. Bukod sa raffle at games, may Male and Female Stars of the Night, sina Glen Sibonga at Mildred Bacud. Darling of the Press naman si Manay Ethel Ramos, ang Dean ng Entertainment Press.
’Andun ang host ng “Bet on Your Baby” na si Judy Ann Santos para sa “Basagan ng Baboy” na sinalihan ng apat na reporters. Wagi sila ng P20,000.
Pinakamasayang bahagi ng Christmas party ang kantahan portion ng ilan sa mga colleague namin kasama ang ABS-CBN Philharmonic Orchestra with Maestro Gerard Salonga. Feeling singers talaga ang mga kasama namin sa panulat. Aliw!!!