NO show si Daniel Padilla sa presscon ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo.”
Ayon sa kanyang Tito Robin Padilla, Teen King ang kanyang pamangkin na kailangang protektahan nila. May kontrata si Daniel sa ABS-CBN at Star Cinema at ang mga ito ang namamahala sa iskedyul ni Daniel.
“Tumutulong naman si Daniel sa promotion ng aming pelikula. ’Andun siya noong nag-promote kami sa Monumento noong Bonifacio Day (Nov. 30). Wala siyang tinatanggihan. Kaya lang, may kontrata siya at “nakikiraan” lang kami sa kanyang home studio,” saad ni Robin sa presscon ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” na entry sa 2014 Metro Manila Film Festival.
Hindi siguro pinayagan si Daniel dumalo sa presscon at naintindihan naman ’yun ni Robin. Ewan lang kung papayagan ang Teen King mag-promote sa mga programa ng Kapamilya Network. During the shoot, hindi siya ipinainterbyu sa entertainment press na dumalaw sa set ng “Bonifacio.”
May spark pa
As expected, nagkatuksuhan sa presscon ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” dahil si Vina Morales na ex-girlfriend ni Robin ang gumaganap bilang Oryang na asawa ni Andres Bonifacio (Robin). Tinanong ang dalawa kung may spark ba noong first meeting nila sa set?
“’Andun naman. Hindi naman nawawala ’yun at ang concern ko kay Vina. Kapag napapanood ko siya sa TV at/o nababasa ko siya sa diyaryo, ’andun pa rin ang nag-uumapaw niyang kagandahan,” sambit ni Robin.
Sabi naman ni Vina, “Hindi nawawala ang spark on-and-off camera. Pero siyempre, may limitations. Nagkakantiyawan sa set. Kasabwat ni Robin ang crew, lahat sa set. Kinikilig sila. Nagkikindatan ang mga lalaki.”
Dumalaw ba sa set si Mariel Rodriguez? Ani Vina, hindi niya nakitang dumalaw ang misis ni Robin. Pero okey lang kung dumalaw si Mariel, anang ex-GF ni Robin. “Bawal sa set si Mariel. May pulis,” joke ni Robin.
Nasa US for her Christmas vacation with her family si Mariel at sa Jan. 3 next year ang balik niya sa Pilipinas. Gustuhin man ni Robin sumunod, hindi pwede dahil hindi naaprubahan ang kanyang US visa.
Second wife
Bilang isang Muslim, may karapatang mag-asawa nang marami si Robin, payag kaya si Vina maging second wife?
“Speechless ako (laughs),” anang singer-actress. “Hindi naman mahirap mahalin si Robin. Mahirap lang ’yung maraming kahati sa kanyang pag-ibig. Ayoko ng magulong relasyon. If they’re both happy, I am really happy for them (Robin and Mariel).”
“Alam ni Mariel na nag-asawa ako ng Muslim. Alam niya ang pinasok niya,” sambit naman ni Robin.
Nakaalis na ang karamihan ng entertainment writers at mangilan-ngilan na lang ang natira (kasama ang kolumnistang ito) pagkatapos ng presscon. Paalis na rin sana si Vina, pero pinigilan siya ni Robin.
Muli’y nagkatuksuhan. Sabi ni Robin kay Vina, sakaling manalo silang best actor at best actress sa Metro Manila Film Festival, maglilips-to-lips sila. “Wala namang labasan ng dila. Basta, maglili-lips-to-lips tayo, ha?” pangungulit ni Robin.
Mukhang nabitin si Robin sa kissing scene nila ni Vina sa “Bonifacio: Ang Unang Pangulo.” Kaya marahil gusto niyang umulit kay Vina, joke!
Sa naturang movie, ipinakita ang pagiging madasalin, mahinahon at mapagmahal ni Andres Bonifacio. Punung-puno siya ng pag-ibig, kaya may kissing scene sina Robin at Vina.
* * *
Sa “Yagit,” nagtampo si Elisa sa tatay niyang si Victor. Masyang nagkitang muli sina Elisa, Dolores at mga “yagit.” Nagbanta si Izel na di siya papayag na maagaw ni Dolores si Victor.