HINDI isyu kay Gabby Eigenmann kung supporting role siya sa bago niyang project sa GMA7, ang “Once Upon a Kiss” (OUAK) kung saan mga bida sina Miguel Tanfelix at Bianca Umali. Sa huling teleserye ni Gabby ay siya ang bida at title role pa sa “Dading.”
Gaganap si Gabby bilang Father Philip Madasalin, ang guidance counselor sa eskuwelahang pinapasukan ni Prince (Miguel) at tuturuan niya ito ng good values.
Ani Gabby sa presscon, hindi siya choosy sa role na ibinibigay sa kanya ng GMA7. Ang mahalaga’y may trabaho siya. Sa rami ng mga artista ngayon, mag-iinarte pa raw ba siya sa pagtanggap?
Kailangan niyang kumita para masuportahan ang kanyang pamilya. Pasalamat nga si Gabby sa Kapuso Network na hindi siya pinababayaan. Hanggang kailangan ang serbisyo niya, mananatili siyang Kapuso, ayon kay Gabby.
Balik-GMA
Balik-GMA si Mylene Dizon at kasama siya sa cast ng “Once Upon a Kiss.” Gaganap siya bilang Giselle Pelaez- Almario, nanay ni Prince. Kontrabida rito si Mylene na aniya’y suwabe lang ang pagmamaldita
niya.
“Pang-bagets lang (laughs,)” she said.
Huling teleserye ni Mylene sa GMA ay “Dyesebel.” Then, lumipat siya sa ABS-CBN at gumawa ng ilang teleserye. Freelance actress siya, ayon kay Mylene, kaya kung saan may offer na project, doon siya. Pero aniya, ang ABS-CBN ang kanyang home network.
First time niyang katrabaho sina Miguel at Bianca at okey naman daw ang mga ito. Hindi pasaway at marespeto sa senior stars na katrabaho. Nakikita niya ang malaking potensiyal na maging big stars sina Miguel at Bianca kung maaalagaang mabuti ang kanilang career at magseseryoso sa kanilang craft.
About her love life, happy siya with her boyfriend, Jason Webb. One year pa lang sila together. Mylene has two sons sa ex-boyfriend niyang si Paolo Paraiso, sina Tomas (9 y/o) at Lucas (5 y/o). May dalawa namang anak na babae si Jason sa ex-wife niyang si Claudine Trillo.
Halos magkakaedad ang mga anak niya at mga anak ni Jason, ayon kay Mylene, kaya magkakasundo ang mga bagets.
MMFF Awards Night
Mamayang gabi na ang Metro Manila Film Festival Awards Night. Magandang abangan kung sino ang mananalong Best Actor at Best Actress. Sabi kasi ni Robin Padilla noong presscon ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo,” kapag siya ang Best Actor at si Vina Morales ang Best Actress, magli-lips-to-lips sila. Mangyari kaya ’yun mamayang gabi?
Bet naman ni Vic Sotto na magwawaging Best Child Performer si Ryzza Mae Dizon na kasama niya sa tatlong episodes ng “My Big Bossing (MBB).” Sobrang galing daw ni Aling Maliit sa tatlong episodes na may iba’t ibang karakter. May karapatan itong maging Best Child Performer.
Para naman kay Nino Muhlach na kasama rin sa MBB, dapat ay Best Actress at hindi Best Child Performer ang mapanalunan ni Ryzza.
Ayaw namang umasa ni Aling Maliit. “Hindi po ako nag-e-expect ng award. Kayo (entertainment press) po ba, nag-e-expect?” pakuwela ni Ryzza. Mag-Win-Wyn Marquez (as in win) kaya o mag-Lucy Torres-Gomez (as in lost) si Aling Maliit?