WALANG lips-to-lips na naganap kina Robin Padilla at Vina Morales noong Metro Manila Film Festival Awards Night. Pareho silang Lost Horizon (lost) sa Best Actor at Best Actress awards. Sina Jennylyn Mercado at Derek Ramsay ang tinanghal na Best Actor at Best Actress para sa performances nila sa “English Only, Please.”
Masaya na rin si Robin dahil humakot ng awards ang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” — Best Picture, Gatpuno Antonio Villegas Cultural Award, Best Cinematography, Best Sound, Best Musical Score, Best Theme Song, Best Parade Float at Youth Choice Award.
Happy at super proud naman si Vic Sotto sa Best Child Performer Award ni Ryzza Mae Dizon para sa “My Big Bossing.” Hindi sumablay ang claim ni Vic na karapat-dapat manalo si Aling Maliit. Napanood namin ang pelikula at magaling si Ryzza sa tatlong magkakaibang karakter na ginampanan niya.
Sakto
Sakto kay Vice Ganda ang simbolo ng showbiz na isang nakatawa at isang umiiyak. Mixed emotions ang TV host-comedian dahil nagkatotoo ang claim niyang magna-Number 1 sa Metro Manila Film Festival entries ang “The Amazing Praybey Benjamin.” Patuloy ito sa paghataw sa takilya, kaya masayang-masaya si Vice.
Nabahiran lang ito ng kalungkutan dahil namatay ang kanyang lolo Gonzalo noong mismong araw ng Pasko. Ang sakit kaya mawalan ng isang mahal sa buhay sa ganoong okasyon.
Napanood namin ang “The Amazing Praybeyt Benjamin” at may eksena roon na namatay ang lolo (Eddie Garcia) ni Benjamin (Vice). Sakto sa nangyari sa kanya sa tunay na buhay. Curious lang kami kung super emote rin kaya si Vice sa burol ng kanyang lolo Gonzalo gaya ng ginawa niya sa TAPB.
May eksena sa naturang movie na pinagdamit babae si Bimby Yap na mala-Princess Sarah at Miss Minchin naman si Vice. Ano kaya’ng reaction ni James Yap na nanood ng special screening ng TAPB?
May eksena ring may gumanap na presidente ng Pilipinas na look-alike ni President Noynoy Aquino. Gayang-gaya ang pagtawa at pag-ubo ni PNoy. Ano kayang reaction ng presidente na nanood din ng special screening ng TAPB?
Super affected
Sobrang affected talaga si Sharon Cuneta sa pagkamatay ng kanyang mommy Elaine. Lungkut-lungkutan ang megastar at hindi niya nagawang maghanda para sa araw ng Pasko. Hindi siya nagluto ng pagkain at pinasalamatan lang niya sa kanyang Facebook account ang mga nagpadala ng food.
Hindi rin naghanda si Sharon ng Christmas gifts at dumaan ang Pasko na parang hindi niya naramdaman. Sana lang, huwag dumating sa puntong ma-depress na naman si Sharon gaya ng pinagdaanan niya some months back.
Maraming pagsubok ang pinagdaanan ni Sharon nitong 2014 at sana lang maging maganda na ang lahat sa pagpasok ng 2015.
Araw ng kasal ngayon nina Dingdong Dantes at Marian Rivera at isa si Sharon sa mga ninang. Inaabangan ang pagdalo ng megastar sa first public appearance niya if ever for a long while. Abay rin ang anak niyang si KC Concepcion na friend pala ni Marian.
Inaabangan din ang pagkikita nina Kris Aquino at Ai-Ai delas Alas na ninang at abay. Abang-abang na lang sa mga kaganapan sa wedding nina Dingdong at Marian.