DEADMA na lang si Derek Ramsay sa intrigang diumano’y hindi siya karapatdapat manalong Best Actor sa nakaraang Metro Manila Film Festival. Mas deserving daw si Robin Padilla o kaya’y si Coco Martin.
Pero ayon sa mga nakapanood ng “English Only, Please,” magaling si Derek sa naturang pelikula.
Si Jennylyn Mercado ang tumanggap ng Best Actor trophy ni Derek at pansin lang ng mga nanood sa TV ng MMFF Awards Night (pati ng kolumnistang ito), bakit agad-agad nakapag-text si Derek kay Jennylyn Mercado? Super haba ang thank you message ni Derek na binasa ni Jen.
Hindi kaya bago pa ideklarang si Derek ang Best Actor ay may nakapag-text na sa kanya? Oh! well…
May mga nagtatanong naman kung hindi ba raw kaya pinalitan ni Jennylyn si Angeline Quinto, ito rin daw kaya ang tanghaling Best Actress? May panghihinayang kaya kay Angeline?
Very FPJ
Ninety million pesos ang production budget ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo,” pero ayon kay Robin Padilla, halos P10 million pa lang ang kinikita ng pelikula. Gusto niyang magprodyus muli at aniya noong MMFF Awards Night, balak niyang isapelikula ang buhay naman ni Gregorio del Pilar at ang pamangkin niyang si Daniel Padilla ang gaganap ng title role.
Sa presscon ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo” sinabi ni Robin na gusto niyang gawin ang biofilm ni Apolinario Mabini. Bakit kaya puro buhay ng mga bayani ang gustong gawin ni Robin?
Pinagkalooban ng FPJ Memorial Award for Excellence ang “Bonifacio: Ang Unang Pangulo.” May mga kuwentong nakakarating sa amin na mukhang tinutularan talaga ni Robin ang yumaong Action King. May mga kasamahan siya sa industriya na natulungan at tinutulungan niya. Ayaw lang isapubliko ni Robin ang mga kabutihang ginagawa niya. Hindi ba’t ganoon din si FPJ noong nabubuhay pa siya?
Sumali pa kaya?
Sad kami for Jorge “ER” Ejercito. Semplang sa takilya ang “Magnum 357.” Bokya na sa awards, bokya pa sa takilya ang pelikula niyang kalahok sa Metro Manila Film Festival. Mukhang hindi maganda ang hatid ng 2014 kay ER. Pinababa siya sa puwesto bilang governor ng Laguna dahil sa kasong overspending noong nakaraang eleksiyon.
Hindi sinuportahan ang MMFF entry niya. Sumali pa kaya si ER sa MMFF ngayong taong ito? Maraming kasamahan niya sa industriya ang malulungkot at mawawalan ng trabaho kapag hindi na sasali si ER. Ang pangunahing layunin niya kaya siya nagpo-prodyus ay para matulungan ang mga tagaindustriya, lalo na ’yung mga nasa maliliit na sector tulad ng crew at utility.
Natutulungan din ni ER ang mga artistang walang project, lalo na ang character actors at bit players (extra). Dasal ng mga ito’y huwag sanang mawalan ng gana si ER sa pagpoprodyus dahil sa naging resulta sa takilya ng “Magnum 357.”