THIRTEEN years na sa showbiz si Luis Manzano at aniya, hindi siya flush in the pan.
“I’m doing something to last in this business. I’m very professional. I come on time sa commitment ko. I’d rather wait for my co-workers kesa ako ang hinihintay. Pag mali-late ako, may valid reason at ipinapaalam ko ahead of time. Masarap ang tulog ko dahil wala akong hina-harass na tao. Steady lang ako,” pahayag ni Luis sa presscon ng Puregold. Siya ang official endorser ng Puregold Perks Card.
Sa naturang presscon, mas maaga pang dumating ang TV host-actor kesa sa ibang miyembro ng showbiz press. It pays to be professional dahil kita n’yo naman, hindi nawawalan ng trabaho si Luis.
Bukod sa TV shows, in demand din siya bilang product endorser. Aniya, matagal na siyang nagho-host ng mga event ng “Tindahan ni Aling Puring” at nasaksihan niya kung gaano karaming tao ang natutulungan ng programang ito ng Puregold.
“It’s a privilege and honor for me to be part of Puregold’s growing family,” ani Luis. “Excited na ako sa mga susunod na buwan dahil sa mga sorpresang inihanda ng Puregold Perks Card.”
Special privilege ito na maaaring i-avail ng bawat Puregold shopper upang makaipon ng points at makakuha ng rewards para mas lalong maging exciting ang kanilang shopping experience sa Puregold.
Ayon pa kay Luis, pwede siyang mag-endorse ng kahit ano’ng produkto, depende sa storyline, huwag lang sigarilyo dahil hindi siya naninigarilyo.
Napag-uusapan na
Sa presscon pa rin ng Puregold, naitanong siyempre kay Luis kung may plano na silang magpakasal ni Angel Locsin. Aniya, napag-uusapan na nila ito, pero wala pang konkretong detalye. Ayaw raw nilang magpa-pressure sa ibang tao na gustung-gusto na silang magpakasal.
“Gusto namin, kung magpapakasal kami, ’yung talagang gusto namin, not because of other people who want us to get married,” sambit ni Luis.
Besides, pareho silang busy ni Angel sa kanilang respective careers. Ibabalik ang “Kapamilya Deal or No Deal” na si Luis ang host. Meron pa siyang “The Voice Kids” at magkakaroon pa siya ng isang game show.
Si Angel naman ay magsisimula na sa shooting ng pelikulang pagsasamahan nila ni Governor Vilma Santos-Recto. Mother’s Day presentation ito ng Star Cinema.
Tinanggihan ni Luis ang naturang project dahil aniya, gusto naman niyang magtira para sa sarili niya. Alam niyang magagamit sa promotion ang buhay niya.
“Masyadong personal ang project. Parang inilatag ko naman ang buong buhay ko,” katwiran ni Manzano.
Tungkol naman sa isyung pulitika, ayon kay Luiz, 50-50 pa kung papasukin niya ang mundong ito. Nakapag-usap na raw sila ng kanyang Tito Ralph Recto, pero mag-uusap silang muli tungkol sa kanyang political plans.
Nag-aartista na rin
Bukod kay Alonzo Muhlach, nag-aartista na rin ang panganay na anak ni Niño Muhlach na si Alessandro. Anak niya ito sa kanyang ex-wife na si Edith. Si Alonzo ay anak naman ni Niño sa kanyang present partner.
Sixteen years old na si Alessandro at kasama siya sa “1 Day, 1 Araw” na launching movie ng baguhang child star na si Alaina Jezl (AJ) Ocampo.
Kasama rin sina Niño at Alonzo sa movie. Hindi nakarating sa story conference si Alonzo dahil may taping ito, ayon kay Niño. Mukhang kinakarir na ng mag-aama ang pag-aartista pero ayon kay Niño, hindi sila package deal. Nagkakataon lang na naisasama siya sa pelikula dahil bumabagay sa kanya ang role.
Kontrabida role na naman si Niño sa “1 Day, 1 Araw” gaya sa “My Big Bossing.” Si Dinky Doo ang director ng “1 Day, 1 Araw” at aniya, iba ang story nito sa ginawa noon nina Fernando Poe, Jr. at Matet de Leon na ”One Day, Isang Araw.” Iniba rin nila ang spelling para walang maging problema. Trilogy ang “1 Day, 1 Araw” at this week magsisimula ang shooting.