TULAD ng misis niyang si Marian Rivera, hindi rin nag-react si Dingdong Dantes sa isyung may two-timer ex-boyfriend si Karylle na ex-GF niya. Ani Dingdong sa presscon ng “Pari Koy,” ayaw niyang mag-assume na siya ’yun dahil hindi naman pinangalanan ’yung nag-two-time ex-BF ni Karylle. Huwag na raw palakihin ang isyu.
Hindi rin sinagot ng Kapuso Primetime King ang tanong kung okey ba sila ni Karylle. Aniya, minsan na siyang nagsalita noon sa isang magazine at tama na ’yun. Basta ani Dingdong, happily married siya at ayaw niya ng negativity.
Kalmado rin si Dingdong sa isyung ’yung pelikulang “Ponzi” na dapat ay gagawin niya ay napunta kay John Lloyd Cruz with Erik Matti at the helm. Iko-co-produce sana ito ni Dingdong with direk Erik at Reality Entertainment ni Dondon Monteverde.
Ani Dingdong, kung anuman ang nangyari, hindi ’yun makakapigil sa kanya para mag-produce ng mga pelikulang gusto niyang gawin.
Magkasosyo sina Dingdong at direk Erik sa dalawang “Aswang Chronicles” movies na ginawa nila. May plano pa silang magkaroon ng Part 3 nito. Pero dahil sa nangyari, mukhang malabo nang magkatrabahong muli sina Dingdong at direk Erik.
By the way, isang pari ang role ni Dingdong sa “Pari Koy.” Siya si Father Jericho Evangelista. Sinadya kaya na pagsamahin ang pangalan ni Jericho Rosales at ng ex-girlfriend niyang si Heart Evangelista?
“Pari Koy” premieres on Monday (March 9) sa GMA Telebabad pagkatapos ng “24 Oras.”
Tomboy
Kung pari ang role ni Dingdong Dantes sa “Pari Koy,” kakaiba rin at challenging ang role ng misis niyang si Marian Rivera sa bago nitong teleserye sa GMA7, ang “The Rich Man’s Daughter.” She plays Jade Tanchingco, nag-iisang anak at tagapagmana ng isang mayamang Filipino-Chinese family na may iba’t ibang negosyo… real estate, retail at airline.
Mag-aanunsiyo ang kanyang ama na naghahanap ito ng lalaking makakapagpaibig sa kanya (Jade) at babayaran nito ng milyones. “Mahihirapan ako at very challenging ang role ko. Pag-aaralan ko talaga ang karakter ko,” sambit ni Marian. Hindi man niya diniretsa, tomboy ang role ng Kapuso Primetime Queen.
Personal choice ni Marian si Glaiza de Castro para makasama niya sa “The Rich Man’s Daughter” (TRMD) dahil komportable siyang katrabaho ito. Nagkasama na sila sa “Amaya” at “Temptation of Wife.”
Just curious, may mala-Dennis Trillo-Tom Rodriguez eksena sa “My Husband’s Lover” kaya sina Marian at Glaiza sa TRMD?
Tampok din sina Katrina Halili, Luis Alandy, Pauleen Luna, Paolo Contis, Sheena Halili, Charie Pineda, Glydel Mercado, Al Tantay, Tony Mabesa, TJ Trinidad, Mike Tan at Gloria Romero. Mula sa direksiyon ni Dominic Zapata.
First gay role
Closet gay ang role ni Hiro Peralta sa “Pari Koy” bilang Samuel Evangelista, younger brother ni Father Kokoy (Dingdong Dantes). First gay role niya ito at ayon kay Hiro, nag-research siya tungkol sa gays. Tinanong din niya ang mga kaibigan niyang bading kung paano kumilos at magsalita.
Ani Hiro, hindi siya nag-aalalang baka pagdudahan ang gender niya o ma-typecast siya sa gay role. “Komportable ako sa sexuality ko. Kung confused ako, mag-aalangan akong tanggapin ang role,” wika ni Hiro nang nakausap namin sa presscon ng “Pari Koy.”
Willing ba siyang makipag-kissing scene sa kapuwa lalaki? “Kung launching project ko at kung acting piece, why not?” saad ni Hiro. “Basta gagalingan ko ang akting ko rito sa ‘Pari Koy.’ At sana, mapansin ako para mabigyan ako ng big break ng GMA. This time, seryoso na ako sa career ko. Last year kasi, nawalan ako ng gana dahil may mga bagay-bagay na nakadismaya sa akin.”