HOW time flies! Parang kailan lang, tabachingching, super cute, listang five-year-old kid si Jillian Ward na pinakikialaman ang notebook na pinagsusulatan ng mga reporter (kasama kami roon) kapag iniinterbyu siya.
Original GMA baby si Jillian at homegrown talent ng Kapuso Network na ngayon ay 10 years old na. Dalaginding na siya, behaved na, hindi na malikot at hindi na pinakikialaman ang notebook ng mga reporter.
Huli siyang napanood sa teleseryeng “My BFF” with Mona Louise Rey at “neneng-nene” pa ang itsura ni Jillian doon. Nagulat ang press people nang tawagin ang pangalan ni Jillian on stage noong presscon ng “Pari Koy.” Ang laki ng itinangkad niya at pumayat siya. Nagbago ang hugis ng kanyang mukha at lalong gumanda ang bagets.
A few years from now, teenager na si Jillian. Pwede na siyang bigyan ng ka-love team. Leading lady material si Jillian at sana’y i-push ng GMA ang kanyang career. Sa “Pari Koy,” she plays Sarah Cruz, masaya at matulunging anak nina Sunshine Dizon at Carlo Gonzales.
Miss na ang kontrabida role
Kasama ni Sunshine Dizon ang kanyang three-year-old daughter na si Doreen noong presscon ng “Pari Koy.” Cute, pretty ang bagets na ayon kay Sunshine ay mukhang mahilig ding mag-artista. Okey lang sa kanya, basta hindi pababayaan ng anak niya ang pag-aaral.
Two years old naman ang second child ni Sunshine na Anton ang pangalan. Ang husband niyang si Timothy ay isang businessman at sa Guagua, Pampanga sila nakatira. May condominium unit sila sa QC na inuuwian ni Sunshine kapag ginagabi siya sa taping.
Ang kanyang mommy (Dorothy Laforteza) ay naka-base na sa Iloilo kasama ang mga kapatid nito, ayon kay Sunshine.
Mabait ang role niya sa “Pari Koy” at aniya, nami-miss na niya ang kontrabida role. Mabait din kasi ang karakter niya sa huling teleserye niya sa GMA, ang “Strawberry Lane.”
“It’s nice to be working again with Dingdong Dantes,” ani Sunshine. “Komportable na akong katrabaho siya. Nagkasama kami noon sa ‘TGIS,’ ‘AnnaKareNina’ at iba pang GMA shows noon.”
Gustong maging versatile actor
Susubukan ang tambalan nina Juancho Trivino at Ash Ortega sa “InstaDad.” Nagkatrabaho na sila sa “My Destiny” noong nag-guest si Juancho at naging komportable agad sila sa isa’t isa.
Excited din si Juancho makatrabaho si Gabby Eigenmann na kasama niya sa “InstaDad.” “Magaling siyang actor at alam kong marami akong matututunan sa kanya. I met him before at very jolly siya. Magaan katrabaho. Hindi siya intimidating,” lahad ni Juancho.
Regular siyang napapanood sa “Bubble Gang” kung saan nagko-comedy naman siya. “Ayokong ma-stereotype sa isang role lang. Gusto kong maging versatile actor. Pwede sa comedy, drama at action,” sambit ni Juancho. Leading man material din ang Kapuso young actor na may K (karapatan) ding mabigyan ng break ng GMA.