SUWERTE ang mapapangasawa ni Coco Martin dahil tiyak na magiging isang huwarang padre de pamilya siya. Kung sa pamilya nga niya (parents at mga kapatid) ay mabuting anak at kapatid si Coco, what more kung sa sarili pa niyang pamilya (asawa’t mga anak)?
Aniya sa presscon ng “Wansapanataym: Yamishita’sTreasures,” gusto niyang bago siya magkaroon ng sariling pamilya ay maayos na ang buhay ng kanyang parents (kahit hiwalay na ang mga ito) at mga kapatid. Gusto niyang magtayo ng business para sa mga kapatid niya.
’Yung mala-hotel na bahay na ipinagawa ni Coco ay sama-sama silang magkakapatid na may kanya-kanyang malalaking kuwarto na parang isang unit ng condominium.
“Hindi ako napapagod magtrabaho basta para sa pamilya ko. Sobrang saya ng pakiramdam ko pag umuuwi ako ng bahay at magkakasama kaming kumakain. Simpleng pagkain lang ang kinakain namin,” anang Kapamilya actor.
Nagpapaaral din si Coco ng mga kapatid. ’Yung isang sister niya’y nakatapos na ng HRM (Hotel and Restaurant Management). Sumama lang ang loob niya na hindi nakatapos ng pag-aaral ’yung isang brother niya.
“Ang lola ko ang nagpaaral sa akin, kaya gusto ko sanang makatapos din ng pag-aaral ang mga kapatid ko,” saad ni Coco who plays Yamina, isang treasure hunter sa “Wansapanataym: Yamishita’s Treasures” na magsisimulang ipalabas sa March 22 sa ABS-CBN.
Walang karapatan
Mamayang gabi na (9 p.m.) ang simula ng “Rising Stars-Philippines” sa TV5. Every Saturday and Sunday ang airing nito, hosted by Ogie Alcasid and Venus Raj with Mico Aytona as roving reporter.
Ayon kay Ogie, never siyang nag-join sa mga singing contest noon. Naging bahagi lang siya ng choir ng La Salle Kundirana. Doon siya nahasa sa pagkanta.
Mere host lang siya sa “Rising Stars-Philippines” at aniya, bahala ang mga judge kung sino ang pipiliin nilang mananalo. Kahit may gusto siyang papanalunin na kinakitaan niya ng malaking potential, hindi siya makikialam sa mga judge na kinabibilangan nina Jimmy Bondoc, Nina at Papa Jack.
“Wala akong karapatan,” ani Ogie. “Basta ang advice ko sa mga contestant ay galingan nila. Give your best. You have to start from somewhere to get somewhere. Singing is a journey. If you don’t make it, it’s not the end.”