PINASAYA ng mag-asawang Dingdong Dantes at Marian Rivera ang mga Dabaweño noong nakiisa sila sa pagdiriwang ng Araw ng Dabaw. Dagsa ang mga taong nanood ng kanilang mall show sa Activity Center ng Abreeza Mall, Davao City.
Pagbalik nila ng Manila, dumalo naman si Dingdong sa 12th Annual Golden Wheel Awards na ginanap sa Samsung Hall, SM Aura, Taguig City. Tumanggap ang Kapuso Primetime King ng 2nd runner-up trophy sa Ducati Riders Group, celebrity class. Itinuturing na Oscars of Philippine Motorsports ang naturang award-giving body.
Samantala, patuloy na dumarami ang mga tagasubaybay ng “Pari Koy” na labis na ikinatutuwa ni Dingdong. Aniya, nakakataba ng puso ang magagandang feedback sa faith-serye nilang ito. Tunay naman kasing nagbibigay ito ng inspirasyon at pag-asa sa mga taong may matitinding pananampalataya sa Diyos.
Bilang Father Kokoy, hindi nawawalan ng pag-asa si Dingdong na maitutuwid niya ang mga mali sa Bgy. Pinagpala sa kabila ng maraming pagsubok na kinakaharap niya.
Magtatayo ng art barn
Tuwang-tuwa rin at sobrang thankful si direk Maryo J. delos Reyes sa magandang pagtanggap sa “Pari Koy.” Aniya, ang makapagbigay ng inspirasyon at pag-asa ang layunin ng kanilang faith-serye na napapanood sa GMA Telebabad pagkatapos ng “24 Oras.”
Sa kabila ng kanyang kaabalahan sa pagdidirek ng “Pari Koy,” may oras pa rin si direk Maryo sa gardening. Aniya, ito ang kanyang libangan, pampantanggal ng stress.
Plano rin niyang magpatayo ng art barn sa hometown niya sa Bohol. Gusto niyang bigyan ng avenue ang Visayan artists para sa kanilang artworks.
“Yung mga nasa probinsiya, hindi nakailangang lumuwas pa ng Manila. Naisip kong mas makakabuti kung ang mga artists ang magpupunta sa probinsiya. Parang sina Ben Cab sa Baguio, nagtayo ng mga art haven,” sambit ni direk Maryo na recipient ng PMPC Ulirang Alagad ng Pelikula sa Likod ng Kamera Lifetime Achievement Award mula sa PMPC Star Awards for Movies.