O, hayan, nagsalita na si Dingdong Dantes na hindi siya kakandidato sa 2016 presidential elections. Mas focused siya sa kanyang showbiz career.
May lumabas kasing report na kasama ang pangalan niya sa listahan ng mga kakandidatong senador sa ilalim ng Liberal Party. Ani Dingdong, honored at flattered siyang isinama ang pangalan niya. Pero wala talaga siyang planong kumandidato sa kahit anong position.
Bukod sa kanyang showbiz career, tutok din si Dingdong sa pag-aalaga sa wife niyang si Marian Rivera who is three months pregnant sa kanilang first baby. So, there!
By the way, kasado na ang programang pagsasamahan nina Marian Rivera, Regine Velasquez at Ai-Ai de las Alas sa GMA7. Talk show ito na mapapanood every Sunday. Tiniyak ng GMA na hindi mahihirapan si Marian dahil once a week lang ang show. Walang masyadong demands, di gaya ng isang teleserye. Sa kalagayan ngayon ng Kapuso Primetime Queen ay hindi niya kakayanin ang puyatan at mabibigat na eksena. Kaya nga, nag-withdraw si Marian sa “The Rich Man’s Daughter” at pinalitan siya ni Rhian Ramos.
KSP
Bago pa lumaki ang isyu kina Vin Abrenica at Mark Neumann ay nagkaayos na sila. Kaugnay ’yun ng diumano’y tampong pururot ni Vin sa TV5 dahil mas binibigyan si Mark ng maraming projects. Kapuwa sila produkto ng “Artista Academy” kung saan si Vin ang winner at runner-up lang si Mark.
Ayon kay Vin, feeling daw niya’y hindi nabibigyan ng pagpapahalaga ang mga ginagawa niya. KSP (kulang sa pansin) nga ba ang nakakabatang kapatid ni Aljur Abrenica?
Si Aljur ay may sarili ring isyu sa GMA7 na hindi pa nare-resolve. Nagreklamo rin siya sa mga project na ibinibigay sa kanya ng Kapuso Network. Magkapatid nga sila ni Vin.
Ayon naman kay Mark, parang magkapatid na sila ni Vin, kaya huwag na raw sanang palakihin pa ang isyu sa kanila. Okey sila ni Vin, wala itong dapat ika-insecure dahil ang TV5 ang mas nakakaalam kung ano’ng project ang ibibigay sa kanila. Basta kung ano’ng ibigay na trabaho sa kanya, ginagawa niya at pinagbubuti niya, ani Mark.
Hindi naman kaya may kung sino’ng nagpaandar lang para mapag-usapan sina Vin at Mark?
Documentary film
Isang documentary film tungkol sa buhay at mga pangyayari sa mga Mormon ang hatid ng Solar Entertainment. Sa pelikulang “Meet the Mormons,” ipapakita ang matitinding pagsubok, pagnanais at pamumuhay ng mga mormon. Sila ’yung mga debotong kasapi sa Church of Jesus Christ of Latter-Day Saints mula sa US, Costa Rica, Nepal at iba pang bansa.