KAABANG-abang ang drama series na pagsasamahan nina Aiza Seguerra at Ryzza Mae Dizon. “The First Daughter” ang title na ang APT Entertainment ni Mr. Tony Tuviera, producer ng “Eat Bulaga,” ang siya ring producer ng drama series na ipapalabas sa GMA7.
Nag-celebrate si Ryzza ng kanyng 10th birthday on June 12 at tinupad ni Mr.Tuviera ang birthday wish ni Aling Maliit na magkaroon ng teleserye.
Parehong “Eat Bulaga” babies sina Aiza at Ryzza. Winners sila ng “Little Miss Philippines” sa magkaibang panahon na binigyan ng pagkakataong maging bahagi ng longest-running noontime show.
Pinauso ni Aiza ang “Aiza walk” (lakad-bibe) at binansagan namang Aling Maliit si Ryzza.
Kapuwa excited nang mag-taping sina Aiza at Ryzza para sa kanilang drama series. May “The Ryzza Mae Dizon” pa rin si Aling Maliit, “Eat Bulaga” at “Vampire ang Daddy Ko.”
Wala namang network contract si Aiza, kaya walang problema kung lumabas siya sa Kapuso Network. Besides, hindi niya maaaring tanggihan si Mr. Tuviera dahil malaki ang utang na loob niya rito kung bakit at paano niya narating ang kinalalagyan niya ngayon sa entertainment scene.
Humbling experience
Humbling experience kay Princess Punzalan ang pagtatrabaho niya bilang nurse sa isang hospital sa Los Angeles, California, USA. Aniya, noong nasa Pilipinas siya, siya ang pinagsisilbihan ng mga maid na kasama niya sa bahay.
Noong nagdesisyon siyang manirahan sa US with her American husband (Jay Field), nagbago ang pamumuhay niya, ayon kay Princess. Wala silang katulong dahil sobrang mahal ang bayad, aniya. Siya ang naglalaba, namamalantsa, naglilinis ng bahay, nagluluto, naggo-grocery.
Noong nagtrabaho siya sa hospital, siya ang nagsisilbi at nag-aalaga sa mga pasyente. Iba-iba raw ang ugali, lalo na ng mga matatanda. May mabait, may masungit na pinagpapasensiyahan na lang niya.
Bernadette Field ang pangalang nakalagay sa ID niya, kaya hindi alam na dati siyang artista sa Pilipinas. “May ibang nakaka-recognize at tinatanong nila kung ako ba ’yung artistang si Princess Punzalan. Fulfilling naman ang job ko dahil ibang-iba sa pagiging artista ko,” lahad ni Princess.
Pero aniya, ayaw niyang tumanda sa US dahil nakikita niyang ’yung mga pasyenteng inaalagaan niya’y walang dumadalaw na mga anak o kamag-anak. Sobrang busy raw ang mga tao roon.
Sa July 11 ang balik ni Princess sa US. Tinatapos lang niya ang taping ng mga eksena niya sa “Yagit.”
Lalabas ang karakter niya bilang Millie, lawyer-sister ni Lulu (Alessandra de Rossi) ngayong third week ng June.
Sitcom
Pinagbigyan ng GMA7 ang maraming hiling ng fans nina Eugene Domingo at Jose Manalo na pagsamahin sila sa isang sitcom. Tampok ang dalawa sa “I Love You Mam, Ser” kung saan gaganap si Uge bilang isang teacher at driver naman si Jose.
Nag-klik ang “love team” nina Uge at Jose sa “Celebrity Bluff” at ’kaaliw naman talaga ang kanilang kulitan, asaran at sweet-sweet-an moments on camera. Kahit for show lang, patok ang kanilang tandem.
Isa pang hinihiling ng fans ay pagsamahin din daw sana sina Uge at Ai-Ai de las Alas sa isang sitcom. Tiyak daw na riot ito sa katatawanan dahil parehong magaling na komedyante ang mag-BFF.