HULING lead role ni Louise de los Reyes ang “Kambal Sirena.” Supporting role na lang siya sa bago niyang GMA primetime series, “My Faithful Husband,” (MFH) na pagbibidahan nina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado.
Ani Louise, hindi naman isyu sa kanya kung hindi siya ang nasa lead role sa MFH. Thankful siyang kasama siya sa cast at aniya’y gagawin niya ang kanyang best sa role na ipinagkatiwala sa kanya. Besides, gusto niyang makatrabaho sina Dennis at Jennylyn, kaya tinanggap niya ang project.
Kasama rin sa cast ng MFH si Mikael Daez. Hiwalay muna ang love team nila ni Andrea Torres.
Sayang at hindi natupad ang wish ni Mikael na makasama siya sa cast ng “Marimar” kung saan ang girlfriend (na ayaw nilang aminin) niyang si Megan Young ang nasa title role. Tampok din sa MFH sina Snooky Serna, Jade Lopez, Kevin Santos, Timmy Cruz, Rio Locsin, Noni Buencamino at Gerald Napoles. Si Joyce Bernal ang direktor at sa August ang airing Sa GMA Telebabad.
Sexy production number
Sa Commonwealth Avenue, QC susugod ang “Happy Truck ng Bayan” ngayong Linggo para maghatid ng kasiyahan at mga pabonggang papremyo. Guest co-host si Randy Santiago, director ng “No Harm, No Foul” at co-actor ni Ogie Alcasid sa naturang bagong show ng TV5.
Abangan ang sexy production number ng FHM cover girl na si Valeen Montenegro with Ritz Azul, Alwyn Uytingco, Martin Escudero, Vin Abrenica, and Empoy Marquez. Paiinitin naman ni Derek Ramsay ang televiewers sa kanyang “twetwerking” kasama si Kim Idol.
Tuluy-tuloy rin sa pasikatan ang mga machong construction workers sa “OCW: Oh! Construction Worker” segment. Tutok lang sa HTNB sa TV5 at 11 a.m.
Naglakad
Sa sobrang traffic at usad-pagong ang mga sasakyan dahil sa pabugsu-bugsong pag-ulan, naglakad na lang si Alden Richards mula Greenhills Shopping Center hanggang Broadway Centrum. Ginawa niya ’yun para makahabol sa opening number ng “Eat Bulaga.” Guest host kasi ang Kapuso actor.
Naka-all black outfit si Alden with matching shades at red umbrella na naglakad. Nag-self-video pa siya. Aniya, nag-enjoy siya sa paglalakad. Magandang experience raw ’yun na feeling niya’y ordinaryong tao lang siya kasabay ang ibang naglalakad.