ENJOY si Dina Bonnevie sa pagiging lola, pero aniya, hindi siya ’yung typical lola na nang-i-spoil ng mga apo. Dinidisiplina niya ang mga ito at parating sinasabihan ang mga anak niyang sina Danica at Oyo na gawin sa kanilang respective children ang ginawa niya sa kanila noong mga bata pa sila. Lumaking disiplinado at marespeto sina Danica at Oyo.
’Yun ang maipagmamalaki ni Dina bilang isang ina, kaya naman sobrang pasasalamat sa kanya ng ex-husband niyang si Vic Sotto sa ginawa niyang pagpapalaki at pag-aaruga sa kanilang mga anak.
Kapag nasa Manila si Ms. D, dinadalaw niya ang mga apo niya at nakikipag-bonding with them. Aniya, ini-spoil niya ang mga ito by cooking for them. Sa Ilocos nakatira si Ms. D dahil tagaroon ang mister niyang politician.
Ani Ms. D, masarap maging lola kapag hindi umiiyak at hindi nag-aalboroto ang mga apo niya. By the way, mapapanood si Ms. D sa upcoming GMA series, “Beautiful Strangers” topbilled by Heart Evangelista and Lovi Poe with Rocco Nacino, Benjamin Alves and Christopher de Leon.
PurePadala ambassador
Si Gary Valenciano ang bagong dagdag na kapamilya ng Puregold Price, Inc. Siya ang official ambassador ng PurePadala ng Puregold. Isa itong innovative, groundbreaking, bagong remittance service na dinisenyo at kinonseptwalize para sa mga Pilipinong naninirahan sa ibang bansa at sa mga OFW, at para sa kanilang mga pamilya dito sa Pilipinas.
“This is one of my best decisions I made,” wika ni Gary V. na tinaguriang Mr. Pure Energy. Malapit daw kasi sa puso niya ang mga OFW. Aware siya sa ibang hindi magandang nangyayari sa mga OFW na nagpapadala ng pera sa kanilang pamilya na hindi naman napupunta sa tamang pagkakagastusan.
Sa tulong ng PurePadala at Globe GCash, ang perang nireremit ng bawat OFW ay direktang napupunta sa mga basic at importanteng necessities ng kanilang pamilya, tulad ng pagkain, tuition fees at utilities, loan payments at pwedeng gamiting puhunan sa isang sari-sari store business. Ang OFWs ang magdedesisyon sa allocation ng perang ipapadala nila. Makakatanggap ng text message ang kanilang pamilya na may breakdown ng perang makukuha at mari-redeem sa Puregold.
Ayon sa pamunuan ng Puregold, si Gary V. ang pinili nila para mag-represent ng PurePadala dahil isa siya sa pinagkakatiwalaan at respetadong Filipino artist ngayon at milyun-milyong Pinoys sa buong mundo ang nai-inspire sa kanyang buhay at karera. Si Gary rin ang kumanta ng commercial jingle nitong “Makakarating.”
Lilipat na?
Mag-e-expire this month ang kontrata ni Vin Abrenica sa TV5 at may umuugong na balitang diumano’y lilipat na siya sa ibang network. Pero ayon kay Vin, pag-uusapan pa nila ng kanyang manager kung ano’ng nararapat at mas makakabuti sa kanyang career.
Mapapanood si Vin sa second episode ng “Lola Basyang.com” na pinamagatang “Ang Plawtin ni Periking” with Ynna Asistio. Sa July 18 ito mapapanood at 7 p.m. sa TV5. Istorya ito ng isang binata na ginamit ang kanyang magic flute to win the heart of his crush.