ALL roads lead to SM Mall of Asia Arena for the GMA Fans Day today. Bilang pasasalamat ito ng GMA Network sa suportang Kapuso fans for the past 65 years. Pinamagatang “Thank You Kapuso! GMA Fans Day,” dadalo ang mga Kapuso stars para magbigay ng aliw at kasiyahan. Makikipag-picture-taking at may autograph signing.
Magkakaroon din ng iba’t ibang games at raffle prizes. Free admission ito at sa mga nakakuha ng free tickets, kitakits tayo sa SM MOA. Magsisimula ang event at 11 a.m. onwards.
Ayaw kayang makatrabaho?
Dalawang show ni Ai-Ai delas Alas sa GMA7 ang dapat sana’y kasama niya si Regine Velasquez. Una sa “Let the Love Begin,” pero tinanggihan ‘yun ni Regine. Kasama rin sana ang Asia’s Songbird sa “Sunday PinaSaya,” but then again, tinanggihan ‘yun ni Regine.
Hindi tuloy maiwasang isipin ng ibang tao na ayaw daw kaya ni Regine makatrabaho ang Philippine Comedy Queen? Anyway, comedy-musical-variety show ang “Sunday PinaSaya (SP)” na kapalit ng “Sunday All Stars.” Kasama sa SP ang “kakambal” ni Ai-Ai na si Marian Rivera na noong pictorial nila’y todo-alaga si Ai-Ai sa kanyang “kambal-kambalan” na magsi-six months pregnant sa first baby nito.
Panay ang bigay ng advice ni Ai-Ai kay Marian tungkol sa pagbubuntis nito at sa pag-aalaga sa isisilang nitong baby girl in November. Marian can’t wait to see her baby at aniya, gusto na niya itong mahawakan. Lalo siyang nae-excite kapag sumisipa ang baby sa kanyang tiyan.
Ayon pa kay Marian, mas lalong naging protective ang husband niyang si Dingdong Dantes. Marami itong bilin… bawal ang magsuot ng high-heeled shoes, bawal mapagod at kung makakaramdam ng pagod, agad siyang magsabi sa production staff. Anang Kapuso Primetime Queen, mas lalo siyang na-in love with her husband sa sobrang care at pagmamahal nito sa kanya.
Kinakarir
Talagang kinakarir ni Ai-Ai ang pagiging “nanay-nanayan” kay Jiro Manio. Pinangakuan niya si Jiro na kapag nakalabas na ito sa rehabilitation center ay dadalhin niya ito sa Japan para makita ang biological father nito.
Ani Ai-Ai, adopted din kasi siya, kaya naiintindihan niya ang nararamdaman ni Jiro. Noong maliit pa siya, gustung-gusto niya ring makita at malaman kung sino ang tunay niyang mga magulang.
Sana nga, paglabas ni Jiro sa kinaroroonan niyang facility ngayon ay bagong-buhay na siya. Bagong tao, bagong pag-asa. Si Jiro lang naman ang makakatulong sa kanyang sarili kung gusto niyang magkaroon ng saysay ang buhay niya. Kahit maraming taga-showbiz ang tumutulong at gusto pa siyang tulungan, kung ayaw naman niyang magbago, mawawalan din ng saysay ang pag-e-effort ng mga ito.
Tuloy pa rin
Tuluy-tuloy pa rin ang paghahatid ng saya at pagbibigay ng libu-libong papremyo ng “Happy Truck ng Bayan.” Ngayong Linggo, nasa Bagong Silang, Caloocan ang “happy peeps” na sina Ogie Alcasid, Janno Gibbs, Gelli de Belen, Derek Ramsay at iba pang Kapatid stars para maki-“fiesta” sa barangay doon.
Tutok lang sa TV5 at 11 a.m. at makisaya, makipagkulitan sa HTNB.