AYAW i-pre-empt ni direk Maryo J. de los Reyes kung babalik sa pagpapari si Father Kokoy (Dingdong Dantes) o magbibitiw na ito para alagaan ang anak na si Pinggoy (David Remo). Last three weeks na lang ang “Pari ’Koy” at ani direk Maryo, marami pa ang dapat abangan.
Thankful siya sa suporta ng televiewers sa kanilang faith-serye na gusto pa nga raw ni Dingdong paabutin hanggang October. “Tama na ’yung seven months kami para mapaghandaan ko naman ang susunod kong project sa GMA,” ani direk nang nakausap namin sa thanksgiving Mass para sa “Pari ’Koy” na dinaluhan ng cast led by Dingdong.
Magge-guest si Nora Aunor sa PK at excited si direk Maryo sa muli nilang pagtatrabaho. Gaganap ito bilang isang pulubi na naghahanap sa kanyang anak at apo. Mababaliw ang karakter ni La Aunor, ayon pa kay direk Maryo.
Give up na
“Ayoko na! Give up na ako. Ayoko nang ma-stress,” sambit naman ni direk Maryo nang tanungin namin kung nadalaw na ba niya si Jiro Manio sa facility center na pinagdalhan dito. Ani direk, dalawang beses na niyang tinulungan ang dati niyang alaga. Noong unang ipa-rehab si Jiro, magkatulong sina direk Maryo at Yul Servo sa gastos ni Jiro sa rehabilitation center.
Nang lumabas si Jiro, isinama siya ni direk sa isang teleserye. Nakailang taping days pa lang ito’y ayaw na. Hindi na nagpakita sa kanya, kaya tinanggal si Jiro sa naturang serye.
Bumalik na naman si Jiro sa dating bisyo at muli siyang ipinasok sa isang rehabilitation center. Again, tinulungan siya ni direk. Nagkaroon uli si Jiro ng teleserye, pero hindi na naman niya tinapos. “Itinigil niya kasi ’yung pag-inom ng gamot na maintenance niya. Hayun, na-depress siya,” wika ni direk Maryo.
Ipinauubaya na niya kay Ai-Ai de las Alas ang pagtulong at pagiging “nanay-nanayan” kay Jiro. Sana raw ay hindi ma-disappoint at hindi magsawa si Ai-Ai sa pag-e-effort nitong mapagbago si Jiro.
Nalulungkot naman si direk Maryo sa pagkamatay ng alaga niyang si Ozu Ong, miyembro ng Masculados. Binaril ito sa dibdib ng isa sa mga carnapper na sapilitang kinuha ang sasakyan nitong Toyota Hi-Lux malapit sa gate ng isang subdivision sa Angono, Rizal kung saan ito nakatira. Nakaburol ang labi ni Ozu sa Transfiguration of Christ Parish Church sa Manuel L. Quezon Ext., Antipolo City. Sa Saturday ang libing sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.
Kinikilig
No comment si Snooky Serna sa kontrobersiya sa Iglesia Ni Cristo. Aniya, no talk, no intrigue. Four years na siyang kasapi sa INC. Dati siyang Roman Catholic, naging Born-Again Christian at ngayon ay INC na siya.
Si Snooky ang nanay ni Dennis Trillo sa “My Faithful Husband.” Minamaltrato niya ito dahil ni-rape siya ng ama nito (Ricky Davao). “Parati akong ninenerbiyos kapag dumarating ako sa set. Hindi ko kasi comfort zone at first time ko sa gano’ng karakter. First time ko pang katrabaho si Dennis,” ani Snooky.
Si Jennylyn Mercado ay nakatrabaho na niya sa “Kaputol ng Isang Awit.” Kinikilig daw siya kapag nakikita niyang nag-uusap sina Dennis at Jen off-camera. Parang may “something” daw ang dalawa.
Kumusta naman ang love life niya? “Ay! Wala. Happy na ako sa mga anak ko. Sam is 22 years old at nag-aaral ng European Studies. Sachi is 19 at Literature naman ang course. Sa De La Salle University sila nag-aaral,” lahad ni Snooky.
Okey naman daw sila ng ex-husband niyang si Ricardo Cepeda. Never pa niyang na-meet ang present partner nitong si Marina Benipayo. Thankful siya rito dahil mabait ito kina Sam at Sachi.