KUNG magpapatuloy ang magandang rating ng “Wowowin,” chances are, madadagdagan ang airtime nito or magiging daily show na ito.
Nakabuwelo ang WWW sa bago nitong time slot (2 p.m.) na nagsimula last Sunday (Aug. 9) sa GMA. Base sa mapagkakatiwalaang survey ng NUTAM (Nielsen TV Audience Measurement), nakapagtala ito ng 18.8% at nanguna sa Urban Luzon (21.8%).
“Nagpapasalamat ako sa mga taong patuloy na sumusuporta at nanonood ng aking programa. Nakakataba ng puso dahil nanguna kami sa rating. Asahan nilang mas marami pang kasiyahan at papremyong ihahatid ang programa,” saad ni Willie Revillame.
Ayon sa supporters ng WWW, bitin pa ang one hour and 15 minutes at request nilang dagdagan pa ang airtime.
Ka-back-to-back ng WWW ang “Sunday PinaSaya” (12 nn) na nakapagtala naman ng 18.7% sa NUTAM at 21.7% sa Urban Luzon. Sana lang, ma-sustain ng SPS ang mga pakabog every Sunday. More bigating guests at isip pa more ang mga writer sa mga sketch para more saya ang maihatid ng SPS.
No more second chance?
Mukhang kahit ano’ng effort ang gawin ni Jake Vargas to win back Bea Binene, walang epek. Mukhang sobrang na-hurt ang kanyang ex-girlfriend sa kanilang break-up.
Ayaw na ni Bea magkaroon sila ng second chance ni Jake. Hanggang friends na lang daw sila, ani Bea.
Tingnan natin kung magpapatuloy si Jake sa pag-e-effort na mapalambot ang puso ni Bea. O, susuko na siya at tatanggaping malabo nang magka-second chance sila. Pero ano’ng malay natin?
Mahiwaga ang pag-ibig, di ba? Walang matimtimang birhen sa matiyagang manalangin. Kapag may tiyaga, may nilaga. So, effort pa more, Jake.
Naudlot
Nanghihinayang si direk Maryo J. de los Reyes sa pagkaudlot ng remake ng “Gabun.” Sina Ruru Madrid at Miguel Tanfelix sana ang mga bida ng proyektong inilapit niya sa GMA Films. Kaya lang, ani direk Maryo, nag-lie low ito sa paggawa ng pelikula, kaya nakatengga ang proyekto.
Pinag-iisipan nga niyang ilapit ito sa ibang film outfit dahil wala naman siyang film contract sa GMA, kundi sa TV lang.
Tungkol naman sa intrigang diumano’y nagselos si Marian Rivera kay Carla Abellana, kaya “pinatay” ang karakter nito (Michelle) sa “Pari ’Koy,” wala raw siyang alam, ani direk Maryo.
Wala raw siyang nakitang dahilan para magselos si Marian. Kasal na sila ni Dingdong Dantes at magkaka-baby na nga sila. Si Carla naman ay merong Tom Rodriguez.
Samantala, kaabang-abang ang mga kaganapan sa huling dalawang linggo ng “Pari ’Koy.” Matuloy pa kaya ang kasal nina Leila (Andrea Torres) at Manuel (Spanky Manikan) sa pagkahuli ni Sam (Hiro Peralta) na may relasyon si Leila kay Bart (Marco Alcaraz)? Ipagtapat kaya ni Sam sa kanyang papa Manuel ang natuklasan niya?
Kaabang-abang din ang paglabas ni Nora Aunor bilang Lydia sa “Pari ’Koy.” Isa siyang pulubing naghahanap sa nawawala niyang anak at apo. Abangan ang pagtatagpo nila ni Father Kokoy (Dingdong Dantes).
Dream come true kina Guy at Dong na nagkatrabaho sila at wish nilang magkasama rin sila sa pelikula.